Boxing ng mga sugalero at boksing ng mga pulitiko

KAYO ba’y sumugal sa labang Emmanuel “Manny” Pacquiao at Juan Manuel “El Dinamita” Marquez?

Yun bang === nakipagpustahan ba kayo ng pera sa pera sa laban ng dalawang boksingero?

Kung pumusta kayo, malamang na natalo kayo. Suwerte kayo, mga Bro, kung nanalo kayo.

Sa Las Vegas, marami yata ang umiyak dahil kahit nanalo si Pacquiao, natalo pa rin sila.

KNOCKOUT ANG BAYAN

Dahil sa matatamis na dila nina Bob Arum at Freddie Roach, marami ang nagoyo na gumastos ng malalaking halaga.

Simple lang, Suki, ang mensahe ng dalawa: mana-knockout si Pacman o si El Dinamita.

Dahil sa ingay ng dalawang ito sa pagbibigay-pag-asa para sa knockout, milyon-milyong boxing fans ang nanood nang may bayad.

Sa Pilipinas lang, ang daming sinehan, coffee shop, may conference hall at iba pa na nagbukas para gawing sinehan ang kanilang mga lugar. Daan-daang piso ang tiket.

‘Yung mga libreng sine gaya ng mga libreng handog ng mga pulitiko ay may bayad din. Pay per view ang tawag diyan na walang komersyal.

Daang libo, mga Bro, ang right para sa isang venue.

Dito, ni-knockout nina Bob Arum, Freddie Roach at mga may-ari ng mga sinehan ang mamamayan.

SARI-SARING PAGKATALO

Bibihira, mga Bro, ang mga nanalo para sa ‘majority desisyon.”

Marami ang nanalo sa straight na pustahan.

‘Yun bang === ang pinustahan ay mananalo si Pacman, may knockout o wala.

Pero doon sa pustahan sa knockout nagkaroon ng masasakit na pagkatalo.

Marami ang bumilib kina Arum at Roach na magkakaroon ng tumbahan sa ika-4-5-6 na rounds.

‘Yung iba, sa iba’t ibang round hanggang Round 12 sila pumusta. Eh wala ngang na-knockout.

Talo ng malalaking halaga ang mga pumusta para sa tumbahan. Umiiyak sila.

SI PACMAN AT SI KRISTO

Kung bakit naman kasing ang dami ang nabubuhay sa sugal. Yun damit nga ni Kristo nang isabit siya sa krus ay pinagpustahan din ng mga sugarol sa kanyang panahon.

Nagpatuloy ang sugalan hanggang sa ngayon na panahon ni Pacquiao.

Dahil sa pagkatalo sa sugal, napakarami ang nagagalit ngayon at tila nasira pati ang kredibilidad ni Pacman.

BALIK-GIYERA SA PINAS

Hindi pa nga humuhupa ang pagkadismaya ng marami sa Pacman-Marquez fight na nagtapos sa kontrobersiya kung ninakawan si Marquez o hindi ng panalo, bumalik agad ang apoy ng giyera ukol din sa nakawan sa mahal kong Pinas.

PUSTAHAN DIN SA KULUNGAN

Sa ngayon, marami ang nagpupustahan kung makukulong o hindi sina Aling Gloria at ang dyowa nitong si Mike. Parehong isinasangkot sa pananabotahe sa halalan ang dalawa at may mga kasong plunder din ang mga ito.

Sa unang round, ang Korte Suprema ang judge.

Nakahain dito ang kasong tumatalakay sa kung iligal at unconstitutional o hindi ang Department of Justice Circular 41 na ginagamit ng mag-among PNoy at Leila de Lima sa pagpigil kina Aling Gloria at Mike na lumabas ng bansa sa anomang rason.

Ngayong araw umano dedesisyunan nina Chief Justice Renato Corona ang kaso. Maaari rin umano silang maglabas ng Temporary Restraing Order o hindi sa araw ding ito laban kina PNoy at De Lima kaugnay ng DOJ Circular 41.

PANALO NA TALO PA

Kung maglalabas sina Corona ng TRO, agad na pupuwedeng lumipad ang mag-dyowang Gloria at Mike palabas ng bansa.

Kung hindi sila babalik pa, talo na sila sa kaso.

Guilty!

Sabi ng mga nakaaalam ng pasikot-sikot ng mga batas ukol sa pagtatago ng mga may itinatago, may paraan pa para pabalikin sa bansa ang nagtatago.

Sa kabilang banda, kung walang TRO, panalo naman sina PNoy at De Lima.

‘Yung pagkukumahog nilang magsampa ng kaso sa korte para maisyuhan ang dalawa ng Hold Departure Order ay maaaring maganap.

At hindi na lang sila aasa sa DOJ Circular 41 na pinagdududahan ngayon kung ligal o konstitusyonal.

Pero kung hanggang saan aabutin ang mga kaso, walang nakaaalam.

SIYAM-SIYAM NA KASO

Wala talagang nakaaalam kung saan hahantong ang mga kaso ng mga Arroyo.

Unang-una kasi, inaabot ng siyam-siyam ang mga kasong malalaki sa mahal kong Pinas.

‘Yung katatapos nga lang na nakawan sa Philippine National Police na nagkakahalaga ng P38 milyon, eh, inabot ng 19 taon sa Sandiganbayan lamang. Paano kung pupunta pa yan sa Court of Appeals at Korte Suprema?

‘Yung kaso nina Hubert Webb, inabot din ng siyam-siyam. Mula sa Regional Trial Court hanggang Korte Suprema, inabot ang kasong Webb ng 19 ding taon.

Hehehe.

KNOCKOUT DIN ANG BAYAN

Pero habang nagaganap ang mga boksing sa pulitika, nanaknockout naman ang mamamayan sa dami ng napakalalakas na suntok ng oil price increase, toll hike, expanded value added tax, pagkalugi ng maraming ne-gosyante, lumalaking krimen at iba pang problema ng bayan.

Hoy, kayong mga utak-pulitka, panalunin naman ninyo ang mamamayan sa kanilang laban dito.

Mga anak kayo ng alimango!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply