Brilliantes nilinaw ang isyu sa pagsasampa ng kaso vs GMA

PINABULAANAN ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes na pinilit siyang palabasin ng pagamutan para lamang agad na maaprubahan ang isinampang electoral sabotage case laban kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at dalawang iba pa sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) nitong Biyernes (Nobyembre 18).

Ayon kay Brillantes, walang katotohanan ang balita at hindi rin totoo na minadali nila ang pagsasampa ng kaso.

Aniya, Miyerkules (Nobyembre 16) pa nila natanggap ang resolusyon mula sa joint DOJ-Comelec Committee at noong Huwebes (Nobyembre 17) pa lamang ay naipamahagi na sa lahat ng commissioner ang resolusyon ng DOJ-Comelec committee para mapag-aralan bago ang en banc na isinagawa nang Biyernes ng umaga.

Ipinaliwanag niya na ang nangyari ay nagpa-check up siya ng Huwebes dahil sa nagpa-fluctuate ang kaniyang blood pressure.

Pinayuhan din umano siya ng kaniyang doktor na magpa-admit ngunit tinanggihan niya ito dahil sa mayroon silang budget hearing sa Senado kinabukasan.

Nagpasya aniya siyang sa ospital na lamang siya matulog dahil kinakailangan rin niyang makapunta ng maaga sa Comelec kinabukasan (Biyernes).

Una nang inamin ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento na ang pangambang makalabas ng bansa ang dating Pangulo ang pinakamalaking factor kaya agad nilang dinesisyunan ang kaso.

“May manifest attempt to leave the country so this was factored by the en banc. So we have to resolve right away ‘yung kaso,” pahayag ni Sarmiento.

Matatandaang dakong alas-7:00 ng umaga ay nagdaos ng isang emergency en banc session ang Comelec para talakayin ang resolusyon ng DOJ-Comelec Committee na nagrerekomenda ng pagsasampa ng kasong electoral sabotage laban kay RGMA at kina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. at dating Comelec election supervisor Lintang Bedol.

Sa botong 5-2 ay inaprubahan ng poll body ang pagsasampa ng kasong electoral sabotage sa Pasay RTC, na kaagad namang nagpalabas ng warrant of arrest laban sa tatlo.

Pasado alas-6:00 ng gabi ng Biyernes ay naisilbi na rin ang naturang arrest warrant sa dating Pangulo. Kyle Gatus

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply