Bukas alalahanin natin ang Maguindanao massacre

BUKAS gugunitain ng sambayanan ang nakapaninindig-balahibong pagpatay sa 57 katao sa Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao.

Makaraan silang harangin sa isang lugar, dinala sila sa ibang lugar upang doon tadtarin ng bala saka ibaon sa butas na kinalkal ng isang backhoe.

Kasama sa mga ipinagbabaon ang mga sasakyan ng mga biktima upang ganap na maitago ng mga kriminal ang kanilang ginawa.

BIKTIMANG MEDIAMEN

Hanggang ngayon, buhay na buhay sa ating isipan ang mga kapatid natin sa pamamahayag na biktima ng pagpatay.

Muli nating itanghal sa mata ng sambayanan ang kanilang ngalan upang magsilbing paalaala sa buong bayan na ang kalayaan sa pamamahayag ay may halaga sa ating lipunan.

Ang totoo, kung walang malakas na media sa ating bansa, baka naibaon na lang sa kawalan ang buhay ng ating mga kapatid sa propesyon at iba pang mga biktima ng nasabing masaker.

MABUHAY SINA

Alejandro “Bong” Reblando, Manila Bulletin correspondent at dating Associated Press reporter; Henry Araneta, DZRH correspondent na nakabase sa General Santos City; Napoleon “Nap” Salaysay, DZRO manager; Bartolome “Bart” Maravilla, ng Bombo Radyo Koronadal, South Cotabato; Jhoy Dojay, ng  Goldstar Daily; Andy Teodoro, Mindanao Examiner at Central Mindanao Inquirer reporter; Ian Subang, ng Mindanao Focus sa General Santos; Leah Dalmacio, Mindanao Focus reporter; Gina Dela Cruz, Mindanao Focus reporter; at Maritess Cablitas, Mindanao Focus reporter.

MABUHAY RIN SINA

Neneng Montano, reporter ng Saksi weekly newspaper; Victor Nuñez UNTV reporter; Mc-Delbert “Macmac” Arriola UNTV cameraman; Jolito Evardo UNTV editor; Daniel Tiamson, UNTV driver; Reynaldo Momay, ng Koronadal; Rey Merisco, ng Koronadal; Ronnie Perante, ng Koronadal;  Jun Legarta, ng Koronadal; Val Cachuela, ng Koronadal; Santos “Jun” Gatchalian ng Davao; Joel Parcon, Freelance journalist; Noel Decena, Freelance journalist; John Caniba, Freelance journalist; Art Betia, Freelance journalist; Ranie Razon, Free-lance journalist; Archie Ace David; Freelance “Tambay” journalist; at Fernando “Ferdz” Mendoza, Freelance driver.

NAKIKIISA NAMAN TAYO KINA

Genalyn Tiamson-Mangudadatu, misis ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu; Eden Mangudadatu, Municipal Vice Mayor ng Mangudadatu, Maguindanao at kapatid ni Esmael Mangudadatu; Rowena Mangudadatu; Manguba Mangudadatu; Faridah Sabdulah ; Farida Mangudadatu; Farina Mangudadatu; Concepcion “Connie” Brizuela at Cynthia Oquendo, kapwa abogado ng mga Mangudadatu; Catalino Oquendo, ama ni Cynthia Oquendo; at Rasul Daudma.

HINDI RIN KALILIMUTAN

Nadamay rin sa kalupitan sina mag-asawang Eduardo Lechonsito at Cecille Lechonsito, ng Tacurong City, Sultan Kudarat; Mercy Palabrica at Daryll delos Reyes, kapwa katrabaho sa gobyerno ni Eduardo Lechonsito; at Wilhelm Palabrica, isang tsuper.

TUMIGIL ANG MUNDO

Tumigil ang mundo ng mga malayang mamamahayag sa pagkabigla sa naganap na masaker.
Nagkaroon ng takot sa kung paano hanapin ang bangkay ng mga pinaslang.

Subalit dito rin nakita ang lakas ng media sa paglalabas ng katotohanan. Umusok at lumabas ang apoy sa massacre sa pamamagitan ng  malayang media.

Itinago man ang krimen ng backhoe at ng makapangyari-hang dulo ng baril ng mga kriminal, naging sapat ang media para ungkatin ang katoto-hanan dito hanggang sa kumilos na ang pamahalaan.

Walang nagawa ang pamahalaang nagkanlong sa mga suspek kundi sumunod sa panawagan para sa katotohanan at katarungan.

NAGLUKSA ANG MUNDO

Hindi lamang ang mga Filipino, lalo na ang mga pamilya at katrabaho ng mga biktima ang nagluksa.

Pati ang mundo ng mga mamamahayag, nagluksa rin.

At dahil sa pandaigdigang panawagan para sa katotohanan at katarungan ng media sa buong mundo, hindi na napigilan pa ng mga kriminal at mga protektor ng mga ito na itago ang krimen.

KAMAY NA BAKAL

Hindi man pabor ang malayang pamamahayag sa paghawak sa pamahalaan sa kamay na bakal, isa itong remedyo para magkaroon ng katinuan sa kriminal na pamamahala.

Kasabay ng deklarasyon ng state of emergency ang mabilisang paghuhukay sa mga bangkay.

At natagpuan na ngang patay lahat ang mga biktima. Lumobo na ang bangkay ng mga ito at nagsimula nang mabulok.

At naging matagumpay ang paglalantad ng katotohanan kasunod ng mabilisang pagdakip sa mga salarin at pag-uusig sa mga ito.

BUHAY UUSBONG SA KAMATAYAN

Dito napatunayang totoo ang paniniwalang may buhay na umuusbong sa kamatayan. Sa kasalukuyan, nakararamdam na ang mga taga-Maguindanao ng mas malayang pamumuhay kaysa noong bago maganap ang malagim na krimen.

Ang malayang pamumuhay pala ay talagang kaiba sa buhay na puno ng kamatayan at takot.

Masakit mang isipin, pasalamatan natin lahat ang buhay na inialay ng mga biktima ng Maguindanao sa bagong buhay na tinatamasa ng lahat ng mga naninirahan sa lugar na pinagharian ng mga mamamatay-tao.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply