BURLESK KING (Pwedeng Tingin Bawal Salingin) Ika-70 labas

LAHAT ng kailangan ni Joseph ay binili ni Glenna.

Mula sa underwear, damit, sapatos at marami pang iba.

Kahit hindi nakikita, alam ng una na malaki ang binayaran ng dalaga.

“Nakakahiya naman sa iyo, Glenna. Nagkakagastos ka ng malaki nang dahil sa akin,” sabi ng lalaki.

“Huwag mong intindihin iyon. Tinutulungan din lang kita kaya nilulubos ko na,” sagot naman
ng dalaga.

Matapos mamili, inaya naman ng babae na kumain sa isang restoran.

Hanggang sa pag-upo ay inalalayan ni Glenna si Joseph.

Umorder siya ng masarap na pagkain.

Asikasong-asikaso ng babae ang lalaki.

Kulang lang ay subuan niya ito sa pagkain.

Nakatakdang magkurus ang landas nila ng asawang si Hazel sa mga sandaling iyon.

Nagkataon kasi na sa mall ding iyon nag-shopping ang babae kasama ang bodyguard ni Mr. Tirazona na si Bruce.

At nang sila ay magutom, sa restoran na pinasukan nina Glenna at Joseph nila naisipang kumain.

Pagbungad nila rito, kaagad nakita ng babae ang tila sweet na sweet na ayos ng dalawa.

Sinubuan ng dalaga ang bulag niyang asawa.

Nakalimutan ni Hazel na wala na siya sa lugar para magselos.

Mabilis siyang sumugod palapit sa dalawa.

“Ang ganda namang eksena ito. Nagsusubuan pa kayong dalawa!” sarcastic na sabi ng babae.

Hindi kilala ni Glenna si Hazel kaya nagulat siya.

“S-Sino ka? Gulat na tanong ng dalaga.

Kaagad namang nabosesan ni Joseph ang asawa.

“H-Hazel… ikaw ba ‘yan?” gulat na tanong ng bulag.

Hindi nakasagot ang babae na biglang pinagbalikan ng katinuan.

“N-Nasaan si Angel? Saan mo dinala ang anak ko?” sabik na tanong pa ng bulag.

“So, ikaw ang kumidnap sa anak ni Joseph!” sabi ni Glenna na biglang tumapang.

“Wala akong nalalaman sa pinagsasabi mo,” sabi ni Bruce na biglang sumabad sa usapan.

Hindi pinansin ng una ang lalaking kasama ni Hazel.

“Nahuli na ang kalaguyo mo at umamin na nasa iyo ang bata,” patuloy ni Glenna.

“Wala sa akin. Natakasan niya kami ni Joven at hindi ko alam kung nasaan siya ngayon!”

mabilis namang sagot ni Hazel.

Malakas na ang boses nila na nagkakainitan ang tono kaya mabilis na lumapit ang mga guwardiya.

“Nakakaistorbo kayo sa mga kumakain dito. Sa labas na lang kayo mag-usap,” galit na sabi ng isa.

Mabilis namang nagpakilala si Glenna sabay labas ng dating ID.

“I’m Captain Glenna Monasterio at suspek ang babaeng iyan sa pagdukot sa anak ni Joseph.

Hulihin ninyo siya!” utos ng dalaga sa dalawang guwardiya.

Pero humadlang si Bruce saka itinulak si Hazel para tumalilis.

Nagkagulo na sa loob ng restoran nang manlaban ang bodyguard ni Mr. Tirazona sa tangkang pag-aresto ng dalawang guwardiya.

Marunong siya ng martial arts kaya hindi umubra ang dalawang guard.

Pero hindi na niya nakuhang tumakas.

Mabilis kasing nakuha ng dalaga ang kanyang baril sa bag at dalawang kamay na itinutok kay Bruce.

“Pumalag ka pa at tutuluyan kita. Hindi kita sasantuhing hayop ka!” galit na sabi ng dalaga.

Hindi na nakaporma si Bruce.

Pinosasan siya ng dalawang guwardiya.

Hindi naman naglipat saglit at may dumating na mga pulis na tinawagan ng may-ari ng
restoran.

Hindi na pulis si Glenna pero sinaluduhan pa rin nang makilala ng mga dating kasamahan.

“Dalhin ninyo ang lalaking iyan. Kasamahan siya ng mga suspek sa pagdukot sa anak ni Joseph,” utos ng dalaga.

Samantala, nang makita ni Hazel na napipilan na si Bruce, mabilis na siyang tumalilis.

Diretso siya sa carpark.

Siya na ang nagmenaho sa kotse at hangos na umuwi. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply