BURLESK KING (Pwedeng Tingin Bawal Salingin) Ika-72 labas

INIS na inakay na ni Glenna si Joseph para umalis.

Badtrip siya sa dating mga kasamahang pulis.

Hindi sila parehas sa pag-papatupad ng batas.

Nakakiling sila sa mga mayayaman.

Inalalayan niya ang bulag sa pagsakay sa kanyang kot-se para umalis na.

“Kung hindi nakialam ang lalaking iyon, nahuli sana ang asawa mo at napiga namin kung nasaan ang nawawala mong anak. Tapos ay may malakas pang padrino na nakialam para makalaya ang mokong na iyon,” inis na sabi ni Glenna habang nagmamaneho ng kotse.

Hindi malaman ni Joseph ang sasabihin.

Sa kalagayan niya na walang nakikita kundi pawang kadiliman, hindi niya alam ang gagawin.

“May magagawa ka basta’t nakakita ka na. Ipagdasal natin na sana’y makakuha kaagad ng eye donor si doktora para makakita ka na,” sabi ni Glenna.

“Sana nga,” ayon naman ng bulag.

Nakarating sila sa bahay.

Pagdating nila rito, kaagad na sinalubong ng matandang houseboy si Joseph.

Siya na ang umalalay dito papasok sa kanyang kuwarto.

Siya na rin ang nagdala sa mga pinamili ni Glenna para sa bulag.

Nang nasa kuwarto na, nagkuwento si Joseph sa houseboy.

“Nakita namin ang asawa ko pero hindi siya nahuli. May lalaki na tumulong sa kanya para siya makatakas,” kwento ng bulag.

“Wala akong alam na kuwento tungkol sa misis mo. Bakit ba kailangan siyang mahuli?” tanong ng houseboy.

“Kinidnap niya ang aming anak na si Angel at hanggang ngayon ay hindi pa siya natatagpuan,” sagot naman ng bulag.

Naguluhan pa rin ang houseboy.

“Hindi ko maintindihan. Bakit kailangang kidnapin ng asawa mo ang inyong anak?” takang
tanong pa rin ng matandang houseboy.

“Hiwalay na kami. Nang mabulag ang aking mga mata, sumama siya sa ibang lalaki. At para mabuhay kaming mag-ama, napilitan akong pumasok na macho dancer. Nakita niya na maganda ang income ko at gusto niyang makipagbalikan pero hindi ko na siya tinanggap. Dahil dito, pinag-isipan niya ako ng masama. Kinidnap niya ang sarili naming anak at ipinatutubos ng isang milyong piso,” kuwento ni Joseph sa matandang houseboy.

“Grabe pala ang asawa mo. Dapat ay nahuli siya para napanagot sa pagkawala ng iyong anak.”

“Gusto kong personal na hanapin ang anak ko pero hindi ko magawa dahil hindi ako nakakakita.

Kapag naopera na ang mga mata ko, personal kong pananagutin ang asawa ko sa ginawa niya sa aming anak,” galit na banta ni Joseph.

“Kumusta naman ang lakad ninyo ni Mam?”

“Positibo! Sabi ng eye surgeon, dahil hindi naman ako likas na bulag ay puwede akong makakita. Eye donor na lang ang kulang para maoperahan ang aking mga mata,” hopeful na sabi ng bulag.

“Sana’y matupad ang pangarap mo na maibalik ang liwanag ng iyong mga mata para makita mo si Mam Glenna. Tiyak na maiinlab ka sa ganda niya,” sabi naman ng houseboy.

Hindi naiwasang mapangiti ni Joseph dahil sa sinabi ng una.

“Napakabait niya. Hindi ko alam kung paano makababayad sa mga kabutihan niya sa akin,” sabi ng bulag.

“Kapag tumulong si Mam, hindi naghihintay ng kapalit. Ang maganda mong magagawa, ligawan mo siya kapag nakakikita ka na. Halata namang malaki ang tama niya sa iyo. Kung hindi, bakit ka niya pagmamalasakitan nang todo?” nakangiting sabi ng houseboy. ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply