BURLESK KING (Pwedeng Tingin Bawal Salingin) Ika-77 labas

HINDI kaagad sumagot si Joseph sa tanong ni Glenna.

“Kapag nakakakita na ako at nabawi ko na ang aking anak na si Angel, saka ko na iisipin kung muli akong mag-aasawa. Nadala na ako kay Hazel. Kung magkakaroon ulit ako ng pagkakataon, hindi na siya ang gusto kong makasama naming mag-ama,” maya-maya’y sabi ng bulag.

Hindi na nagsalita si Glenna.

Hanggang sa makarating sila sa eye clinic na pag-aari ng kaibigan ng dalaga.

Pagpasok pa lang nila ay kaagad silang sinalubong ng eye surgeon na si Dra. Molina.

“Tamang-tama ang dating ninyo. Nakahanda na ang operasyon para kay Joseph,” masaya niyang sabi.

Noon din ay isinama ng eye surgeon si Joseph sa operating room.

Naghihintay na rito ang isa pang doktor at dalawang nars na makatutulong sa nasabing operasyon.

“Sino ba ang eye donor ni Joseph?” tanong ni Glenna sa kaibigan habang nagkakabit ito ng face mask.

“Isang opisyal ng pulis na namatay sa pagtupad sa kanyang tungkulin. Napalaban sila sa mga holdaper at sinawing palad siya na tamaan,” sagot naman ni Dra. Molina.

“Baka biglang maisipan ni Joseph na magpulis kapag nakakakita na siya,” biro ni Glenna.

“Bagay kayo. Dati ka namang pulis, hindi ba?” ganting biro naman ng eye surgeon.

“Tingnan natin kapag nakakakita na siya,” sakay naman ng dalaga saka malakas na tumawa.

Hindi na naririnig ni Joseph ang pinag-uusapan nila.

Naturukan na kasi siya ng pampatulog at anaesthesia para hindi niya maramdaman ang sakit ng operasyon sa kanyang mga mata.

Nang magsisimula na ang operasyon, lumabas si Glenna.

Hindi niya ito gustong makita. Naupo na lang siya sa receiving room …

Nagbasa-basa habang hinihintay na matapos ang operasyon sa mga mata ni Joseph.

Matagal …

Kung ilang oras din siyang naghintay.

Naiintindihan naman niya ito …

Maselan kasi ang operasyon …

Sa konting pagkakamali, maaari kasing tuluyan nang hindi makakita si Joseph.

Inantok tuloy ang dalaga sa paghihintay hanggang sa hindi niya namalayan ay nakatulog na pala siya.

Nagising lamang siya nang may tumapik sa kanyang balikat …

Si Dra. Molina.

“Tapos na ang operasyon. Kapag nag-heal na ang sugat sa mga mata ni Joseph, I’m sure na makakakita na siya!” masaya niyang sabi.

Galak na kinamayan ni Glenna ang kaibigan.

“That’s what I am expecting from you. Sana nga ay makakita na si Joseph,” sabi niya.

“Pero hindi mo puwedeng iuwi ang pasyente ngayon. Titigil muna siya rito ng ilang araw para makatiyak na safe siya sa inpeksiyon,” patuloy ng eye surgeon.

“Ikaw ang nakaaalam para sa kanyang ikabubuti. Sunud-sunuran lang ako sa gusto mong mangyari, Dra,” sagot naman ni Glenna.

Sa isang private room na pinuntahan ng dalaga si Jo-seph. Gising ang lalaki. May benda ang mga mata.

“Konting panahon na lang at makikita mo na kung gaano kaganda ang mundo, Joseph,” masayang sabi ng babae.

“Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan at mababayaran sa kabutihang nagawa mo sa akin, Glenna,” sagot ng bulag.

“Hindi naman kita sisingilin. Type ko lang na tulungan ka at hindi ako naghihintay ng anomang kapalit,” sabi naman ng dalaga.

“Kapag nakakakita na ako, basta’t may iuutos ka sa akin na makakaya ko, sabihin mo lang at gagawin ko,” sabi pa ni Joseph.

“Ang unahin nating gawin ay makita ang anak mo. Iyon ang mahalaga,” pag-iiba ng topic ni Glenna.

“Sana nga. Nasasabik na akong makapiling ang aking anak,” sagot naman ni Joseph na biglang nalungkot.

Maya-maya lang at nag-paalam na ang dalaga.

“Hindi pa kita puwedeng isama sa bahay. Maiiwan ka muna rito sa ospital ng ilang araw.
Pero huwag kang mag-alala dahil may ini-assign ng nurse si Dra. Molina para magbantay sa iyo rito,” sabi ng dating pulis.

“Sige, Glenna. Okey na ako rito. Umuwi ka na lang muna para makapagpahinga ka naman.
Sobra-sobra nang panahon ang nauubos mo para sa akin,” sagot naman ni Joseph.

Bago umalis, hinawakan ni Glenna sa kamay ang lalaki at hinalikan sa pisngi.

Naiwang natitigilan ang bulag. ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply