BURLESK KING (Pwedeng Tingin Bawal Salingin) Ika-82 labas

“KANINA pa siya nakatayo sa harapan mo, Joseph. Siya si Glenna,” masayang pagpapakilala ng eye surgeon sa katabing babae.

Natigilan ang dating bulag…

Ordinaryong babae lang ang kanyang kaharap hindi tulad ng kanyang inaasahan.

“I-Ikaw ba si Glenna?” hindi makapaniwalang tanong ni Joseph.

Tumango ang babae.

“Magsalita ka. Gusto kong marinig ang iyong tinig,” utos ng una.

Napatingin muna ang kaharap kay Dra. Molina.

Anyong humihingi ng pahintulot.

“Ako nga si Glenna,” maya-maya’y sabi ng babae.

Ang lakas ng tawa ni Joseph.

“Hindi man ako nakakakita noon, kabisado ko ang boses niya kaya alam ko na hindi ikaw si Glenna. Nasaan ba siya? Bakit ayaw niyang magpakita sa akin ngayong nakakakita na ako?” tumatawa pa rin niyang tanong.

Sa puntong iyon, biglang bumukas ang pintuan.

Tatlong magandang babae ang pumasok.

“Hulaan mo kung sino sa kanila si Glenna na hindi nila kailangang magsalita,” nakangiting sabi ni Dra. Molina.

Tumayo sa pagkakatayo si Joseph.

Isa-isang nilapitan ang tatlong magagandang dalaga.

Dinikitan …

Naghahanap siya ng palatandaan.

Hanggang sa mapatapat siya sa dating pulis.

“Siya si Glenna, Doktora!” sabi ni Joseph.

Palakpakan sa tuwa ang mga tao na nasa loob ng kuwarto.

“Paano mo nalaman na siya si Glenna ay hindi mo naman narinig ang kanyang boses?” takang tanong ni Dra. Molina.

“Kabisado ko ang kanyang pabango kaya sigurado ako na siya ang babae na pinahuhulaan ninyo sa akin,” nakatawang sabi ni Joseph.

Masayang niyakap ni Glenna ang lalaki.

Hindi nagtagal at inaya na ng dating pulis ang dating bulag para umalis.

“Ipapasyal kita. Alam ko na marami kang na-miss na makita sa panahon na walang ilaw ang iyong mga mata,” masayang sabi ng dalaga.

Walang imik na sumama si Joseph kay Glenna.

Sumakay sila sa magarang kotse ng babae.

Patingin-tingin ang una sa dalaga habang nagmamaneho.

“Bakit?” nakangiting tanong ni Glenna.

“Kung gaano ka kaganda, ganoon din kabusilak ang iyong kalooban. Bihirang mapisan ang mga katangiang iyan sa isang babae,” sagot naman ni Joseph.

“Thanks!” ang tanging naisagot ng dalaga.

Unang dinala ni Glenna ang lalaki sa Manila Ocean Park.

Gusto niyang busugin ang mga mata ni Joseph sa iba’t ibang uri ng lamang dagat na naglalanguyan sa higanteng aquarium.

“Dati’y mga goldfish lang ang laman ng mga aquarium. Pero ngayon, balyena na lang ang kulang para makumpleto ang mga lamang dagat na inaalagaan dito,” nasisiyahan niyang sabi.

“Katunayan lang iyan nang pag-unlad ng lahing Pilipino,” sagot naman ni Glenna.

Nang matapos silang mamasyal sa Manila Ocean Park, dahil malamig na naman ang init ay dinala ng babae si Joseph sa tabing dagat.

“Magandang praktisin mo rito ang iyong mga mata sa pagtanaw sa malayo,” nakangiting sabi ng dalaga.

Sinunod ng lalaki ang payo ng babae.

Nasisiyahan siyang napangiti.

Ang sarap talaga ng nakakakita.

Ang layo ng nararating ng kanyang paningin.

Binalingan niya si Glenna.

“Hindi magkakaroon ng katuparan ang pangarap ko na muling makakita kung hindi dahil sa iyo, Glenna. Paano ba kita pasasalamatan?” sabi niya sa dalaga. ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply