BURLESK KING (Pwedeng Tingin Bawal Salingin) Ika-87 labas

 

WALANG ibang maisip si Joseph na ibinigay na bayad kay Glenna sa mga kabutihang nagawa niya sa dalaga liban sa kung ilang ulit na niya itong napaligaya.

Pero hindi na lang siya kumibo.

Baka lumabas na cheap ang dalaga sa mga makakarinig oras na siya ay magsalita.

Madali niyang tinapos ang pag-aalmusal.

Ilang saglit pa at naka-ready na silang umalis ng dalawang pulis na nakadamit sibilyan na kanyang makakasama.

Nagpaalam na siya kay Glenna.

“Anoman ang magiging development ng lakad namin, kaagad kong itatawag sa iyo,” sabi ng lalaki.

“Mabuti! At kung magkakaproblema naman kayo sa lakad ninyo, itawag n’yo kaagad sa akin. Okey?” sagot naman ng dalaga.

Gustong halikan ni Joseph sa pisngi ang babae bago umalis pero pinigilan niya ang sarili. Wala siyang karapatan dahil wala naman silang relasyon ng dalaga.

Anoman ang namagitan sa kanila ni Glenna, hindi niya alam kung ano’ng estado ang itatawag doon.

Sumunod na siya kina Sergeant Moreno at kabo San Diego sa paglabas ng bahay.

Diretso siya sa kotse na gagamitin nila sa paghahanap sa kanyang anak.

Lumabas sila ng subdibisyon.

Patungo sa direksiyon ng Maynila ang kanilang paghahanap.

Nagpaliwanag si Sergeant Moreno kay Joseph kung saan sila papunta.

“Babaybayin natin ang mga pangunahing lansangan kung saan nakakalat ang mga batang ginagamit ng sindikato para mamalimos. Hindi ako sigurado pero magbabaka-sakali tayo na isa sa kanila ang iyong anak,” sabi ng pulis.

“Kahit saan tayo pumunta, okey lang sa akin. Basta’t ang importante, hinahanap natin ang anak kong si Angel,” sagot naman ng lalaki.

“Ngayong nakakakita na ako, madali natin siyang makikilala oras na makita natin,” sabi naman ni Kabo San Diego.

Inisa-isa nila ang mga pangunahing lansangan kung saan may mga batang namamalimos sa gitna ng daan.

Nangingilabot si Joseph sa nakikitang ginagawa nilang pakikipagpatintero kay kamatayan.

Oras na makita niya ang anak na ganito ang trabaho, baka hindi niya maiwasan ang
maiyak sa awa kay Angel.

Sumunod nilang binaybay ang kahabaan ng Recto…

Patingin-tingin sa mga batang namamalimos sa bangketa …

Hindi nila naapuhap ng tingin si Angel …

“Hindi mo ba siya nakita?” tanong ni Sarhento Moreno kay Joseph.

Umiling ang lalaki.

“Maaaring wala talaga siya rito o ngayon lang wala. Babalik tayo rito sa ibang araw,” aniya.

“Sa Pasay naman tayo maghanap!” sabi ni Kabo San Diego na siyang nagmamaneho.

Dito nga niya idineretso ang sasakyan.

Sa kanilang nadaanan, marami silang nakitang batang pulubi pero hindi niya nakita si Angel.

Hanggang sa makaabot sila ng Baclaran.

Tanghali na …

Naisipan muna nilang kumain at saglit na magpahinga.

Dumiretso sila ng MOA.

Dito nila napagkasunduang mag-lunch.

Pumasok sila sa isang Seafoods Restaurant.

Naupo sila sa isang bakanteng mesa.

Sa kalapit, may isang pareha na busy na kumakain.

Hindi sila pansin ….

Dedma rin naman sila sa mga ito.

Maya-maya’y nag-angat ng mukha ang babae …

Hindi sinasadyang mapalinga…

Nagulat at nanlaki ang kaniyang mga mata ng makita si Joseph.

Napuna ni Kabo San Diego ang hindi makapaniwalang tingin ng babae sa kasama.

Bahagya niya itong siniko isinenyas sa pamamagitan ng mga mata ang mesa na nasa bandang likuran.

Gulat si Joseph nang lumingon at makita ang asawang si Hazel.

Hindi niya kilala ang machong kasama nito na dili iba’t ang body guard ni Mr. Tirazona na si Bruce. ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply