BURLESK KING (Pwedeng Tingin Bawal Salingin) Ika-88 na labas

NASA mukha ni Hazel ang pagtataka nang makita ang asawa.

Nakatingin sa kanya si Joseph na para bang siya ay nakikita.

Hindi kasi niya alam na talagang nakakakita na ang dating asawa dahil naoperahan na ang mga mata.

Lalo siyang nagulat nang magsalita si Joseph.

“Saan mo dinala ang anak ko. Nasaan siya?” galit na tanong ng lalaki kay Hazel.

“N-Nakikita mo na ako? Paano? Naoperahan na ba ang iyong mga mata?” hindi makapaniwala na ganting tanong ni Hazel.

Galit na biglang tumayo si Joseph at tinangkang lapitan ang dating asawa.

Mabilis namang humarang si Bruce.

Dahil dito, mabilis namang tumayo ang dalawang eskort na pulis ng una.

Handang sumuporta sa kanilang amo.

Tuloy ang mainit na pagtatanong ni Joseph.

Magkasama kayo ng iyong kalaguyo sa pagdukot sa aking anak. Nasaan siya? Ibalik ninyo siya sa akin!” galit na utos ng dating bulag habang sinusurot ang asawa.

“I’m sorry dahil wala siya sa poder ko. Totoo na kinuha namin ni Joven si Angel sa tinutuluyan mo pero hindi namin siya naisakay sa sasakyan. Tinakasan niya kami at hindi namin alam kung saan nagpunta,” sagot naman ng babae.

Nagsimulang magwala ni Joseph.

“NAGSISINUNGALING KA! ALAM KONG NASA PODER MO ANG ANAK KO PERO ITINATAGO MO!” sabi niya at tinangkang sunggaban ang asawa pero bigla siyang itinulak ni Bruce.

“Huwag kang makulit, pare. Nasabi na ni Hazel na wala sa poder niya ang anak mo. Huwag kang makulit!” nagbabantang sabi ng bodyguard.

Siya naman ang galit na hinarap ni Joseph.

“Sino ka ba at ano ang pakialam mo sa problema naming mag-asawa? Tumabi ka nga riyan!” hawi ng una kay Bruce na lalo namang iniharang ang katawan.

“Nauubos na ang pasensiya ko sa iyo, pare. Isa pa at tatamaan ka na!” banta ng bodyguard.

Sa puntong ito panabay na tumayo ang dalawang alalay ni Joseph.

Hinarap si Bruce.

“Huwag kang magkakamaling saktan ang amo namin dahil may paglalagyan ka!” pormal na banta ng dalawang pulis.

Salubong ang kilay na tiningnan ng bodyguard ang dalawang alalay ni Joseph.

Napuna niya na may nakabukol sa kanilang bewang.

Baril!

Dahil sa kanilang paggigirian, natakot ang ibang kumakain.

Biglang nagtayuan para umalis.

Maagap namang humarang ang mga bantay.

“Bago kayo umalis, magbayad muna kayo!” sabi nila.

Naalarma naman ang may-ari ng restoran.

Kaagad na tumawag sa himpilan ng pulisya sa pamamagitan ng telepono.

Nakaramdam ng panganib si Hazel.

“Kailangang umalis na tayo rito. Hindi alam ni Mr. Tirazona na magkasama tayo at delikadong malaman niya ito oras na masubo tayo sa gulo. Lalong titibay ang kanyang hinala na may milagro tayong ginagawa,” sabi niya sa bodyguard.

Dahil sa sinabi ng babae, mabilis na hinila ni Bruce si Hazel paalis.

“HOY! BUMALIK KAYO RITO! HINDI PA TAPOS ANG PAG-UUSAP NATIN!” sigaw ni Joseph.

Mga guard ang humarang sa dalawa pero hindi sila umubra sa bodyguard na isang martial arts expert.

Bahagya lang silang pinitik nito sa mahihinang parte ng katawan at nang sila ay matumba, hindi na nakuha pang tumayo.

Wala nang nakaharang pa sa kanila.

Diretso sila sa kanilang sasakyan na nakaparada.

At mabilis silang umalis.

“Hindi ninyo sila dapat pinabayaang makatakas. Suspek sila sa pagdukot sa aking anak,” baling ni Joseph sa dalawang kasamang pulis.

“Huwag kayong mag-alala,” biglang sabad ng may-ari ng restoran. May CCTV camera ang restoran na ito. Makikilala sila saan man magpunta,” aniya. ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply