BURLESK KING (Pwedeng Tingin Bawal Salingin) Ika-91 labas

“NILOLOKO ninyo ako ni Bruce, Hazel. Kaya ang maipapayo ko sa inyo, huwag na kayong umuwi. Magtago na lang kayo dahil oras na maispatan kayo ng mga killer ko, tiyak kayong mamamatay,” mariing sabi ni Mr. Tirazona sa babae sa pamamagitan ng cellphone.

“B-Bakit? Ano ba ang nagawa naming kasalanan sa iyo ni Bruce para bantaan mo nang ganyan?” gimbal na tanong ni Hazel.

“Huwag kang tatanggi. Magkasama kayo ngayon ni Bruce, hindi ba?” tanong ni Mr. Tirazona.

“Hindi ko siya kasama at hindi ko alam kung nasaan siya!” mabilis na tanggi naman ng babae.

Malakas na tumawa ang lalaki.

“Katatapos ko lang kayong mapanood sa tv. Nasangkot kayo sa isang gulo sa restoran ng otel na inyong kinakainan. At hindi lang sa mga bataan ko kayo wanted kundi pati sa mga alagad ng batas. Suspek kayo sa pagdukot sa anak ng dati mong asawa na si Joseph,” maya-maya’y sabi ni Mr. Tirazona.

Natigilan si Hazel….

Biglang binalingan si Bruce.

“A-Alam na ni Mr. Tirazona ang tungkol sa ating dalawa. Binabantaan niya tayo na papatayin oras na makita. Ano ang gagawin natin ngayon?” nag-aalalang tanong niya sa
lalaki.

Mataman namang nag-isip si Bruce.

“Kilala ko si Mr. Tirazona. Hindi niya tayo bibiruin. Nagpapapatay talaga siya ng tao.
Kailangang makatakas tayo. Pupunta tayo sa lugar na hindi niya masusundan,” sagot naman ng lalaki.

“Pero saan tayo pupunta?”

Hindi kaagad nakasagot si Bruce. Bigla kasing pumula ang ilaw ng trapik.

Kaagad niyang tinapakan ang preno.

“Ang importante ay makalayo tayo. Kaya pupunta tayo kahit saan,” sagot ni Bruce.

Nasa gayun silang ayos nang biglang may kumatok sa nakasaradong bintana ng kotse sa tapat ng lalaki.

Isang batang babae na nagtitinda ng sampaguita.

Mabilis na binuksan ni Bruce ang bintana at itinaboy ang bata.

Namukhaan ito ni Hazel. Ang nawawalang anak na si Angel.

“H-Huwag!” mabilis na sansala ng babae kay Bruce. “Siya ang anak ko. Ang nawawala naming anak ni Joseph. Kunin mo siya!”

“Istorbo lang siya sa atin!”

“Hindi! Malaki ang magiging pakinabang natin sa kanya kapag nasa atin siyang mga kamay. Magagamit natin siyang proteksiyon para sa ating kaligtasan,” sagot naman ni Hazel.

Dahil sa sinabi ng babae, mabilis na binuksan ni Bruce ang pintuan ng kotse.

Sinunggaban ang bata at pilit na ipinasok sa hulihang upuan ng sasakyan.

Napilitan namang lumipat sa hulihan ang bata para mabantayan.

Nagwala si Angel nang makita ang ina.

“BAD KA! AYOKO SA IYO!” galit na sigaw ng bata.

Ilang kalalakihan ang nakita ni Bruce na palapit sa kanyang kotse.

Hindi niya alam kung mga nagmamalasakit ito kay Angel o mga tauhan ng sindikato na nagbabantay sa bata.

Kaya kahit hindi pa naggo-go ang trapik ay mabilis na niyang pinasibad ang kotse.

Walang pulis sa lugar ng mga sandaling iyon pero walang ligtas ang ginawa nina Bruce at Hazel.

Kitang-kita sa CCTV camera ang puwersahang pagdukot kay Angel.

Namukhaan sila ng pulis na nakabantay sa monitor …

“Hindi ba sila ‘yung babae at lalaki na suspek sa pagdukot sa anak ni Joseph?” tanong niya sa kasama.

“Sila na nga! Nakatalilis lang sila kaya hindi nahuli ng ating mga kasamahan,” sagot naman nito.

“Kung gayun, alert all units para maaresto sila. And at the same time, kontakin mo na si ex-Captain Glenna Monasterio. Inform her na nakita natin sa CCTV camera ang dalawang suspek sa pagdukot sa anak ni Joseph.

Mabilis na tumalima ang kasama.

Ang pagdukot ng dalawa kay Angel, mabilis na nai-forward ang kopya sa mga tv station.

Kaya nasa flash report kaagad ito …

Nakabalik na sina Joseph sa bahay ni Glenna ng mga sandaling iyon.

Bigla siyang napatayo sa kinauupuan ng makilala ang anak habang pilit na isinasakay ni Bruce sa kotse. ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply