Chiz kay De Lima: Isampa na ang mga kaso ni GMA

KINALAMPAG ni Senador Francis “Chiz” Escudero si Justice Secretary Leila de Lima para magsampa na ng mga kaso sa korte laban kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Layunin nito, ani Escudero na maging ligal at hindi makuwestiyon pa ang constitutionality ng pagpigil ng Department of Justice sa paglabas ng dating Pangulong Arroyo ng bansa.

Anang senador, duda rin siya sa tunay na intensyon ng mga Arroyo sa planong mangibang bansa.

Subalit, iginiit ni Escudero na dapat lang na matibay ang ligal na basehan ng DOJ para hindi mapahiya ang gobyernong Aquino.

Paliwanag ni Escudero, watch list order lang ang maaaring ipalabas ng DOJ pero ang inisyu ni De lima ay katumbas ng hold departure order (HDO) na ang korte lamang ang dapat na magpalabas.

Nauna rito, naghain ng petisyon ang mga Arroyo sa Korte Suprema para patigilin ang DOJ sa paghadlang sa umano’y balak na pagpapagamot ni GMA sa iabyong dagat.

Kinuwestiyon nila ang maituturing na umano’y HDO ng DOJ dahil sa wala naman kaso sa korte ang dating Pangulo.

Ayon kay Escudero, malinaw ang solusyon na kanyang nakikita, ang magsampa ng kaso sa korte laban sa mga Arroyo.

Pinuna rin ng senador, sa isa’t kalahating taon ni De lima sa posisyon ay marami na ang mga nagsampa ng reklamong plunder at katiwalian laban sa pamilya Arroyo gayundin ang inirekomendang election sabotage ng DOJ at Commission on Elections pero hanggang ngayon ay hindi pa naisasampa ang kaso.

Ani Escudero, puro press release at interview lamang ang ginagawa ni De lima at walang aksyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply