Consuelo de bobo sa dagdag-bawas sa petrolyo

KUNG mag-anunsyo ang Department of Energy ng good news, akala mo kapaki-pakinabang sa lahat.

Ang totoo, nakaaatake sa puso.

Ang anunsyo lang nitong nagdaang mga araw na magkakaroon ng malaking rollback ay ikinasiya ng iilan pero ikinagagalit ng nakararami.

BIGTIME KUNO NA ROLLBACK

Siyempre pa, may kaunting saya sa parte ng mga gumagamit ng gasolina dahil sa nasa P1 kada litro nga naman ang rollback.

Kasama na rito ang mga may kotse, nakamotorsiklo at nagtatraysikel.

May kaunting saya dahil bago nagkaroon ng rollback, small time naman ang dagdag-presyo o price hike.

Nasa P40 lamang ang bawat litro.

Para pang doble swerte ang nakamit ng mga ito.

BIGTIME NA SMALL TIME PA

Sobrang malas naman ang mga gumagamit ng diesel.

Bago nagkaroon ng bigtime na rollback kuno, mahigit sa P1 bawat litro ang oil price hike ng mga kompanya ng langis.

Ngayong nagka-rollback, anak ng tokwa, 20 sentimos.

Doble malas ang mga gumagamit ng diesel.

KAKAUNTI ANG MASAYA

Totoo na mas marami ang gumagamit ng de-gasolina na sasakyan.

Ngunit mas kakaunti ang bilang ng mga nakikinabang dito.

Kaya naman, kakaunti lang ang nasisiyahan.

HIGIT NA MARAMI ANG LUHAAN

Ang mga gumagamit ng diesel, mga Bro, kung pagsasama-samahin sila, ay higit na mas marami kaysa mga gumagamit ng gasolina.

Paano?

Aba, paano kung pagsama-samahin ang mga may jeepney, bus, bangkang pangisda, kuliglig sa mga sakahan at iba pa?

Milyones, mga Bro ang mga ito.

Sila ang nadodoble malas sa dagdag-bawas sa presyo ng diesel.

Paano sila masisiyahan kung bigtime na nga ang price hike, small time pa ang bawas-presyo sa diesel?

CONSUELO DE BOBO NA TUNAY

Kaya masasabi nating tunay na consuelo de bobo ang pag-aanunsyo ng DOE sa “bigtime rollback” na yan.

Lumilikha lang ng sama ng loob ang pinaggagawa ng DOE.

DOE NAGIGING PROPETA

May napapansin nga pala tayo.

Bakit ang DOE ang taga-anunsiyo ng dagdag-bawas sa presyo?

Hindi ba dapat na ang mga kompanyang langis ang gumagawa nito?

Hindi natin tuloy maiwa-sang isipin na tau-tauhan lang ng mga kompanya ng langis ang mga taga-DOE at hindi totoong higit nilang pinaglilingkuran ang sambayanan kaysa ninoman.

Siguro, humahalakhak ang mga kompanya ng langis sa pagiging UTO-UTOsan ng DOE sa kanila.

BIG 3 TALAGA SA SEC

Habang nagaganap ang mga dagdag-bawas sa presyo ng petrolyo, maya’t maya rin nating tinitingnan ang deklarasyon ng mga kompanya ng langis ukol sa kanilang kita at benta na naka-record sa Securities and Exchange Commission.

Anak ng sampung putakte, kasama ang Petron, Shell at Chevron lagi sa 10 pinakamalalaking kompanya sa mahal kong Pinas.

At grabe ang kanilang mga benta at kita.

Bilyon-bilyong piso at habang nagaganap ang krisis, lalong lumalaki ang kanilang kita.

Hindi sila nalulugi nang katulad ng sinasabi nila kaya kung mag-oil price hike sila ay para mahabol nila ang kanilang malalaking pagkalugi.

Hawak ng tatlong putakti ang nasa 83% ng kabuuang merkado ng petrolyo sa Pinas.
‘Yung 17 porsiyento ay pinag-aagawan ng mga small time player na katulad ng Flying V, Phoenix, Eastern, Getty, Unioil, Total at iba pa.

Kaya ang Big 3 ang nasusunod lagi sa presyuhan at sumusunod lang ang mga small time player.

GOBYERNO ANG PINAKA-BIGTIME

Nang ianunsyo ng Petron na may P15 na expanded value added tax sa bawat litro ng petrolyo, hindi umimik sina Rene Almendras diyan sa DOE.

Sa anunsyong ito, lumalabas na pinaka-bigtime sa kita ang mismong gobyerno.

Pagsama-samahin mo na ang kita ng lahat ng mga kompanya ng langis, pinakamalaki pa rin ang EVAT sa petrolyo ng gobyerno.

Kung ganun, magkano ba talaga ang kita ng gobyerno sa EVAT sa petrolyo?

P60 bilyon, P100 bilyon, P120 bilyon sa isang taon?

O kayo sa DOE, sagooot!

SISIW ANG P5-P6 OVERPRICE

Kung totoo ang sinasabi ng Petron na may P15 na EVAT sa bawat litro ng petrolyo, aba, sisiw na sisiw at bulateng-bulate pa ang sinasabing P5-P6 kada litro na overprice ng mga kompanya ng langis bawat litro.

Kaya nga, kung may sisihan sa overpriced na petrolyo sa Pinas, inginunguso ng mga kompanyang langis ang gobyerno.

Pero dedma lang naman ang mga nasa gobyerno.

Kaya nga, para makabawi sila sa mga taga-gobyerno, yang magbigay ng consuelo de bobo na mga anunsyo ang pinaggagawa ng mga ito.

MAGKAKASABWAT SILANG LAHAT

Sa kabilang banda, maliwanag na magkakasabwat ang gobyerno at mga kompanyang langis.

Magkakasabwat sa overpricing, sa pananahimik sa overpricing at pagbibigay ng consuelo de bobo.

Para sa kanila, magkahetot-hetot na ang buong bansa, huwag lang sila.

Mga p@*&%i+$*n, puputaktihin din kayo!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply