Cory Aquino Avenue

HINAIN ni Bohol 1st Dist. Rep. Rene Relampagos ang House Bill 5422 na ang layunin ay palitan ang pangalan ng kalsadang EDSA (Epifanio de los Santos Ave.) at gawin itong Cory Aquino Avenue.

Ayon kay Relampagos, ito ay isang pagbibigay-pugay sa namayapang dating Pangulo sa kanyang kontribusyon sa pagbabalik ng demokrasya sa ating bansa at makasaysayan ang EDSA dahil dito sa kalsadang ito nangyari ang People Power.

Ano ba naman??? Wala na ba tayong ibang magawa Rep. Relampagos? Wala na bang ibang problema ang distrito ninyo?

Wala ka na bang ibang pag-uukulan ng panahon kaya pagpapalit na lang ng pangalan ng kalsada ang naiisip mo?

Sa aking pagsisiyasat ay maraming nagawa sa kanyang lalawigan ang dating gobernador ng Bohol. Isa rin siyang youth leader noong dekada ’80 at batang-bata ng maupong bise-gobernador.

Achiever ika nga. Pero hindi naman napapanahon itong House Bill 5422 na ito. Maraming tayong suliranin lalo na’t parating na ang Pasko, imbes na mahahalagang mga panukala ang pinag-uusapan sa plenaryo ay kumakain pa ng oras itong pagpapalit ng pangalan ng isang kalsada. Pambihira naman talaga.

Kung hindi ka miyembro ng Liberal Party ay ihahain mo pa rin kaya itong HB 5422? Baka nga hindi mo man lang maisip ito Kongressman. Bakit? Wala ka na bang dapat ayusin sa iyong distrito? Best District in the Philippines na ba ang 1st District ng Bohol? Zero percent na ba ang unemployment rate diyan? Kongressman, napakaganda ng iyong track rekord na aking nabasa. Wag mo naman hayaan masira iyon at matawag ka na isang “KISS ASS” ayon sa mga komentong nabasa ko sa internet.

Don’t get me wrong mga kapwa kong mamamayan. Ako po ay isang taga-hanga rin ng dating Pangulong Cory Aquino. Alam kong malaki ang kanyang nagawa para sa bansang aking sinilangan at ako’y nagpapasalamat ng marami sa kanya. Ngunit sa aking paniniwala ay marami pang mas mahalagang bagay na kailangang gawin ng isang mambabatas hindi ba? Ito bang HB 5422 ay napakahalagang maipasa? Kong, bakit hindi mo na lang lutasin ang iba pang mas mahahalagang bagay tulad ng kahirapan, edukasyon, mas epektibong traffic enforcement, tamang garbage disposal, at isama mo na rin ang drainage system kung binabaha kayo diyan sa distrito ninyo.

Sayang kasi ang kuryente at manpower sa mga sesyong pinag-uukulan ng panahon ay mga House Bill na tulad nito. Wag mo sanang kalimutan na taxpayer’s money ang pinambabayad sa mga gastusin ninyo diyan sa Mababang Kapulungan at ang sahod mo dyan din nanggagaling Kong.

*****

INIIMBITAHAN ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ-AM 810 khz. Inaanyayahan ko din kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa Kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat Ch. 7. Mapapanood din ito sa iba’t ibang mga cable operators nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply