Daddy may bago na tayong baby!

ISANG malaking hamon sa isang overseas Filipino worker ang malayo sa piling ng kanyang pamilya upang magtrabaho sa ibayong-dagat para lamang maibigay ang magandang buhay na kanyang pinakaaasam-asam para sa kanyang mga mahal sa buhay. Ang mga kababayan nating hindi alintana ang hirap, pagod at pagtitiis sa abroad dahil dala-dala sa kanilang mga puso ang kanilang mga natatanging inspirasyon upang magpursige, ang kanilang pamilya. Napakahalagang inspirasyon sa ating mga OFW na nagbibigay sa kanila ng tapang at lakas ng loob na matagumpay na harapin ang pagsubok na emosyonal habang nasa ibang bansa. Kabilang dito ang mga kababayan nating OFW na haligi ng tahanan o ama na matapang na sumusubok sa buhay pag-a-abroad. Kahit ano pang dagok ang dumating sa kanilang pangingibang-bayan basta nandiyan ang kanilang pamilya kaya nila itong lampasan.

Ngunit paano na lang kung ang mga nagsisilbing inspirasyon ang siya pang magdulot ng kahinaan sa ating mga OFW habang nagsasakripisyo sa ibang bayan? Paano na lamang kung habang nagpapakahirap si mister sa abroad tila nakalimutan naman siya ni misis at naging masaya ito sa piling ng iba? Ito ba ang sinasabing isa sa pinakamatinding bangungot sa buhay pangingibang-bayan ng ating mga OFW? Hudyat ba ito ng pagkasira ng isang pamilya na noon ay masayang nagsasama-sama?

Isa lamang si Elmer Bermudo sa marami nating kababayang OFW ang may napakalungkot na kuwento ng buhay pangingibang-bayan. Si Elmer ay 37 taong-gulang, may asawa at dalawang anak. Nagtungo siya sa Jeddah noong Agosto 12, 2009 at ang alam niyang trabaho na base sa kontrata ay isang computer technician subalit nang ito ay nasa kanyang employer na, siya ay ginawang driver, gayong wala naman siyang lisensiya para gawin yun. Sa takot sa kanyang employer ay sumunod pa rin siya sa pinagagawa nito.
Nandoon na pilitin siyang magmaneho ng 10-wheeler truck at kung minsan naman ay siya ang ginagawang tagahatid sa eskwela ng anak ng kanyang amo.

Nang hindi na siya sumusunod sa pinagagawa sa kanya ng kanyang amo, tinakot siya nito at sinabihang ipahuhuli sa pulis. Sa takot ni Elmer, agad siyang nagtungo sa Jeddah embassy at ini-refer kay Dr. Romualdo Exmundo. Noon ay tatlong beses na pinatawag ang kanyang employer ngunit hindi ito sumisipot.

Lumapit din ang ating OFW kay Vice Consul Jennifer Dingal upang kuhanan ng sworn statement at naibigay naman ito agad sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at noon din ay nabigyan siya ng endorsement sa Hajj Terminal at nakabilang nga sa mass repatriation.

Subalit noong panahon din yun naging magulo ang isip ni Elmer dahil sa nabalitaang ginawa ng kanyang asawa na nasa Pilipinas… Halos gumuho ang mundo ni Elmer ng malaman nito na ang kanyang asawa ay may iba ng kinakasamang lalaki at ang pinakamasaklap pa dito, ay nabuntis ang kanyang asawa… Hindi lamang isang beses ngunit dalawa pa sa lalaki nito.

Habang ang ating OFW ay nasa ibang bansa ang mga magulang nito ang siyang nagdadala ng kanilang pangangailanagan para sa kanyang mag-ina, kahit na ang asawa nito ay isang guro. Minsang nagtaka ang tatay ni Elmer ng dumalaw sa bahay ng mag-ina ni Elmer ng may makita itong mga damit ng lalaki na pang basketball gayong ang kanilang anak ay hindi naman nagsusuot nito. Tinanong niya ang manugang at sinabing sa pinsan niya umano ito.

Kinutuban na ang magulang ni Elmer. Hindi naglaon sa mismong bibig na ng mga anak ni Elmer nanggaling ang nakakagulat na impormasyon na ang kanilang ina ay may kasamang ibang lalaki na sa kanilang bahay. Ayon sa kanyang anak, “Daddy may bago na tayong baby!” Ang limang taong gulang na anak nila ang minsang nagkuwento sa mga lolo at lola nito tungkol sa ginagawa ng ina nila… Masaya daw lagi ang mommy nila dahil tawa ng tawa sa kwarto at kasama ang lalaki. Minsan pa daw ay nagpakuha ang mommy nila ng isang basong tubig sa anak habang nakahiga sa kama ang dalawa at sinabing huwag daw titingin ang bata sa kanila… Maging ang mga kapitbahay ay ngsalita na.. Doon na nagsimulang mag-apoy sa galit ang mga magulang ni Elmer, dahil nabatid din nila na ang mga pagkain na dala nila ay pinakakain din ng kanilang manugang sa kanyang lalaki.

Ang lalaki pa umano ay isang utility boy sa isang mall, habang ang manugang nila ay guro. Nang makausap nila ang manugang inamin pa nito sa kanila na kaya niya umano nagawa yun dahil sa hindi na niya mahal ang kanyang asawang si Elmer.

Kung kaya’t nagdesisyon ang mga magulang ng ating OFW na kuhanin ang kanyang dalwang anak sa kanyang asawa. Nalaman nilang buntis ang kanilang manugang sa kanyang lalaki hanggang sa umalis na ito ng bahay nila ni Elmer. Sa kasalukuyan ay nagsasama na ang dalawa at nakapanganak na at buntis na uli sa kanilang pangalawang anak.

Ang pagbabatid ng anak ni Elmer sa sitwasyon na yun ay tila isang hudyat ng pagsabog ng bomba para sa ating OFW… Pagsabog ng halo-halong nararamdaman ni Elmer… Pagsabog na tila isang hudyat ng pagkasira ng kanyang pamilya…

Nang malaman ni Elmer ang lahat ng ito, ito ang siyang nagpagulo sa kanyang isipan hanggang sa mawala ito sa tamanag kaisipan at umalis sa Hajj Terminal noong panahon na papauwi na sana siya ng Pilipinas. Sumakay umano ito ng train patungong Riyadh dahil sa gulong-gulo ang kanyang isip sa nangyari. Naiwan at hindi na nakasama si Elmer sa mga napauwi.

Sa kasalukuyan humingi ng tulong ang pamilya nito sa Bantay OCW para mapauwi si Elmer. Mabuti na ang kalagayan ng ating OFW ngayon at nakikituloy siya sa ilang kabayang Pinoy sa Jeddah Islamic Port, habang hinihintay na matapos maayos ni Welfare officer Benny Reyes ang kanyang mga dokumento para sa kanyang pag-uwi sa Pilipinas.

Tunay namang kalakip na ng pag-aabroad ang iba’t ibang uri ng pagsubok na haharapin ng isang OFW sa ibayong-dagat. Kahit ano pa mang pagsubok ito, para sa milyun-milyon nating kababayang OFW sa iba’t ibang panig ng mundo, maging matapang at matibay.
Naging isang hindi makalilimutang bangungot man ang pangingibang-bayan kay Elmer, tuloy pa din ang buhay… tuloy pa din ang buhay dahil makakapiling na niya sa lalong madaling panahon ang kanyang mga anak… ang kanyang pag-asa… ang kanyang tunay na inspirasyon…

BANTAY KASO

•AURORA SALAPANTE (Maybahay ng pumanaw na OFW mula sa Jizan, KSA na nais makatanggap ng kaukulang benepisyo)
HENRY SALAPANTE (Pumanaw na OFW mula sa Jizan, KSA)

KASO: Pumanaw ang kaniyang asawang si Henry noon pang Marso 29, 2009. Nais matulungang makatanggap ng kaukulang benepisyo sa labing-anim (16) na taong pagtatrabaho ng kaniyang asawa sa ibang bansa.

UPDATE: Kaagad na ipinakipag-ugnayan ng Bantay OCW ang kahilingang ito ni Ginang Salapante kay Ambassador Ezzedin Tago at Labor Attache Albert Valenciano sa ating Embahada sa Riyadh, hinihintay lamang natin ang kanilang tugon.

•NATALIE JIMENEZ (Maybahay ng OFW na hindi umano nagpapadala ng pinansyal na suporta sa kanyang pamilya)

FORTUNATO JIMENEZ JR. (OFW na hindi umano nagpapadala ng pinansyal na suporta sa kanyang pamilya)

KASO: Hindi umano nagpapadala ng pinansyal na suporta sa kanilang mga anak, kaya’t nais na lamang niyang ipadeport.

UPDATE: Nakipag-ugnayan ang Bantay OCW sa ating kabayang OFW upang alamin ang kanyang panig hinggil sa reklamo ng kanyang asawa. Aniya, totoong hindi niya ipinapadala sa kanyang asawa ang sustento sa kanilang mga anak dahil sa mismong anak niya ipinapadala ang kanyang sustento. Dagdag pa niya, nauna umanong nagloko ang kanyang asawa kaya’t hindi na ito nagbigay pa ng sustento sa kanyang asawa. Patuloy pa rin niya umanong padadalhan ang kanyang anak, dahil ito ang kanyang dahilan kung bakit siya nag-abroad.

•ELIZABETH VIZARRA (Maybahay ng OFW sa Damman, KSA na finished contract na ngunit hindi pa rin pinapauwi)
GERLO QUINTO

KASO: Marso 2010 pa siya nagpapaalam sa kanyang kumpanya upang umuwi ngunit hindi siya inaasikaso. Nais na lamang na agad makauwi ng bansa upang makasama ang kanyang pamilya.

UPDATE: Kasalukuyan ng nasa kaalaman ng Department of Foreign Affairs-Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (DFA-OUMWA) ang kasong ito. Nakipag-ugnayan rin ang Bantay OCW sa ating Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Dammam, KSA sa tanggapan ni Labor Attache Adam Musa. Kasalukuyan na lamang hinihintay ang kanilang sagot sa kasong ito.

***

Bantay OCW sa Radyo Inquirer 990 AM

Ang Bantay OCW ay mapapakinggan mula Lunes hanggang Biyernes 7:00-8:30 p.m. sa DZIQ Radyo Inquirer 990 AM. Para po sa inyong mga problema, hinaing at kahilingan, maaring magtungo sa Radyo Inquirer studio, 2nd Floor Media Resource Plaza Building, Mola St. cor. Pasong Tirad St., Barangay La Paz, Makati City. Para sa mga OFW sa ibayong dagat, mag-log on lamang sa www.dziq.am

Bantay OCW sa PTV Channel 4
Ang Bantay OCW ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes 10:15-11:15 p.m. sa PTV Channel 4. Mapapanood din sa pamamagitan ng internet: www.ptni.tv

Bantay OCW Foundation Operations Center
Ang Bantay OCW Foundation Operations Center ay naglilingkod araw-araw Lunes hanggang Biyernes 8:00 a.m.-5:00 p.m. sa 631 Shaw Boulevard, Mandaluyong City. Maaari po kayong makipag-ugnayan sa ating mga telepono: 5357209, 8819423 at 0919214.0699.
Telephone Numbers:  5357209, 8819423 at 09192140699.
Email: susankbantayocw@yahoo.com/bantayocwfoundation@yahoo.com

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply