Dapat dalawa

NAGHAIN tayo ng petisyon sa COMELEC para siguraduhin ng ahensya na makaboboto lang ang mga botante sa lugar na ligal silang nakarehistro para bumoto.

Ito ang problema ng mga squatter o ng mga kababayan natin na kung tagurian ay mga informal settler. Dahil nga sa wala silang residence certificate.

Kung maghihigpit ang COMELEC na hingan ang bawat isa ng residence certificate bago mabigyan ng pagkakataong bumoto sa isang lugar, hindi talaga makaboboto ang mga squatter.

Pero pwede naman silang bumoto kung saan sila ligal na residente.

Ang problema ay ligal na residente lang sila sa mga probinsya dahil napadpad nga lang sa siyudad sa paghahanap ng hanapbuhay.

Kaya ang isa sa mga hakbang para maiayos natin ang problema ng squatters at ng iligal na pagboto tuwing halalan ay ang programa ng pamahalaan tungkol sa pagbabalik-probinsya ng ating mga kababayan na hirap naman sa pamumuhay nila bilang squatters sa mga siyudad dito sa Kamaynilaan.

Naniniwala ako na mas gugustuhin natin na manirahan sa isang lugar na hindi tayo iligal o squatter.

Pero bakit umaalis sa probinsya kahit pa hirap sa buhay sa siyudad at naninirahan lang sa mga barong-barong, sa mga estero, sa mga tabing ilog, sa ilalim ng mga tulay at kung saan bawal dito sa Metro Manila?

Alam kong alam nating lahat ang sagot. At alam ko na alam ito ng pamahalaan. Kailangan ng hanapbuhay, kailangan ng maayos na mapag-aaralan ng mga anak at kailangan ng seguridad.

Mahirap ba itong gawin ng gobyerno? Isipin na lang ang solusyon na maibibigay kapag naipatupad nang maayos ang programang “balik probinsya.” Magagamot  ang problema rito.

Mapipigilan ang pananamantala sa squatters tuwing halalan. At pwedeng magsimula ito kapag naging mahigpit ang COMELEC sa patakaran ng residence certificate ng mga botante at mga kandidato.

Pero hindi pwedeng gawin ang isa kung hindi rin gagawin ang isa. Dapat dalawa. Kailangan mahigpit na maipatupad ang batas sa tamang lugar ng pagboto pero dapat din ay magkaroon ang ating mga kababayan  ng  mapanghahawakang maayos na buhay sa mga probinsya kung saan hindi sila iligal na residente o squatter.

Mag text po kayo sa akin sa 09209280847 sa akin o mag-email sa ariel.inton@gmail.com. Mahalaga na malaman ko ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply