Dapat tatlo

MAY tatlong bahagi ang aking petisyon na isinumite sa COMELEC. Sunod-sunod ko itong tinalakay sa ating kolum.

Ang unang bahagi ay ang panawagan na maghigpit na ipatupad ng COMELEC ang mismong patakaran ng ahensya tungkol sa ligal na tirahan ng isang botante at ng isang kandidato sa halalan.

Marami ang nagbigay ng kanilang reaksyon, kabilang na nga ang pag-aalala ng ilan na maraming hindi na makaboboto, partikular ang mga squatter, kapag naghigpit ang COMELEC sa paghahanap ng residence certificate bago payagan ang isang botante na bumoto sa isang lugar.

Naipaliwanag naman ito ng makailang ulit at tinanggap na rin ng marami na hindi aalisan ng karapatan ng mga squatter na bumoto kundi makaboboto lang sila kung saan sila ligal na residente para maiwasan ang mga krimen tulad nga ng flying voters at hakot voters.

Ang pangalawang bahagi ng petisyon ay ang pagpapatibay pa ng programa ng gobyerno na alam natin sa tawag na “balik probinsya.”

Mahalaga ang programang ito dahil kung may magagandang pagkakataon naman sa probinsya, may hanapbuhay at seguridad, hindi na magtitiis na maging squatter sa syudad ang marami sa ating mga kababayan.

Mas gugustuhin nila na mamalagi sa probinsya kung saan itinuturing silang ligal at lehitimong mga residente.

Kaya nga maraming maitutuwid ang ating petisyon sa COMELEC. Una na ang pagsugpo sa dayaan tuwing halalan sa pama-magitan ng paglalagay ng balakid para magamit sa dayaan sa halalan ang mga squatter.

Pangalawa ang pagkalampag sa pamahalaan na seryosohin ang implementasyon ng “balik probinsya” para magkaroon ang ating mga kababayan ng mapagpipiliang tirahan.

Kapag naiayos ng pamahalaan ang programang “balik probinsya” mapipigilan ang pagdami ng mga squatter at matutulungan ang mahihirap nating mga kababayan.

Ang pangatlo ay ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga mahuhuling nagsasagawa ng iligal na gawin tuwing halalan na ginagamit at pinagsasamantalahan ang mga squatter.

Mga iligal na gawin tulad ng paghahakot ng mga flying voter at mga ghost voter.

Ang gusto ko lang sabihin ay hindi maiaayos ang problema ng squatters at hindi maitutuwid ang balikong mga gawain tuwing halalan kung hindi maipatutupad ang lahat ng mga nakasaad sa aking petisyon. Hindi lang isa, hindi dalawa, kundi tatlo.

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 sa akin o mag-email sa ariel.inton@gmail.com.

Mahalaga na malaman ko ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply