Mga Arroyo magsasampa ng ‘contempt’ vs de Lima

SASAMPAHAN ng “contempt of court” sa Korte Suprema ng kampo ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo si Justice Secretary Leila de Lima dahil sa ginawa nitong panghaharang sa pag-alis kagabi (Nobyembre 15) ng mag-asawang Arroyo.

Ito ay sa kabila ng pagkakaroon ng kautusan ng Korte Suprema kasabay ng pag-iisyu ng temporary restraining order (TRO) sa dalawang nakahaing petisyon na “effective immediately” ang desisyong ito ng SC.

Sinabi ni Elena Bautista-Horn, chief of staff at tagapagsalita ni GMA, na ngayong umaga sa pagbubukas ng SC isasampa ang reklamo laban kay de Lima.

“Naninindigan kami na may karapatang magbiyahe ang dating Pangulo dahil ang Kataastaasang Hukuman na ang nagsalita,” ayon kay Horn.

Kagabi, pasado alas-8:00 ay magkahiwalay na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mag-asawang GMA at dating First Gentleman Mike Arroyo.

Dumating si GMA sakay ng ambulansya ng St. Luke’s Medical Center kasama ang panganay na anak n a si Ang Galing Pinoy Partylist Rep. Mikey Arroyo.

Naka-wheelchair na ipinasok sa NAIA ang dating Pangulo at hindi na ito pinayagang dumaan sa VIP lounge kung kaya pinagkaguluhan ng media kasama sina Horn at Minority Leader Edcel Lagman.

Sinabi pa ni Horn na nagmamadali silang makaalis matapos ang desisyon ng SC dahil bukas, Huwebes alas 12:15 ng tanghali ay may kumpirmadong appointment na si GMA sa Singapore at nais nilang makapagpahinga ang dating Pangulo isang araw bago isagawa ang anumang pagsusuri sa kaniya.

Matapos hindi payagan ng Immigration na makalabas ng bansa ang mag-asawang Arroyo dahil sa direktiba na rin ni de Lima ay ibinalik si GMA sa St. Luke’s kung saan siya nagpalipas ng gabi. Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply