Desisyon ni De Lima aprub kay Lacson

SANG-AYON si Sen. Panfilo Lacson sa naging desisyon ni Justice Secretary Leila De Lima na huwag payagan ang dating Pangulong Gloria Arroyo na makapagpagamot sa labas ng bansa.

Sinabi ni Lacson na kuwestyonable ang mga lugar na nais puntahan ng dating Pangulo lalo na at walang extradition treaty ang Pilipinas sa mga ito.

Binigyang diin naman ng senador na hindi na lalaki ang usapin hinggil sa pagpapagamot sa labas ng bansa kung mas natutukan ang preliminary investigation ng kasong electoral sabotage.

Ipinaliwanag ni Lacson na kung natutukan ito at naisampa sa Korte Suprema ang kaso ay maaaring nakapaglabas na ng Hold Departure Order (HDO) ang korte.

Hindi na rin dapat umano idinamay ni De lima ang Pangulong Benigno Aquino III sa paglalabas nito ng desisyon kaugnay sa petisyon para sa Allow Departure Order (ADO) ni Arroyo.

Ipinaliwanag ni Lacson na mas maiging inako na lamang niya ang pagpapasya lalo na at department order naman ang kanyang pinagbatayan sa desisyon.

Samantala aprubado rin sa Pangulong Aquino ang pagbasura ni De Lima sa hirit ni Arroyo na makapagpagamot sa ibang bansa.

Una nang personal na ipinaabot ni De Lima sa Pangulong Aquino ang desisyon niyang huwag pagbigyan ang kahilingan ng dating pangulo na magpagamot abroad bago inilabas sa Media ang kaniyang pasya.

Magugunitang inihayag ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na ang Pangulong Aquino ang may final say sa naturang usapin. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply