Destabilisasyon niluluto ng 6 retired generals

ISANG destabilisasyon ang ngayon ay nagbabanta sa administrasyong Aquino.

Ibinunyag ito ni San Juan Rep. JV Ejercito matapos makarating sa kaniyang kaalaman na anim na retiradong heneral ang diumano’y patuloy na nagkikita-kita at lihim na nagpupulong sa Laiya, San Juan, Batangas.

“Sa aking pagkakaalam, tuluy-tuloy ang pagpupulong ng mga loyal generals ni GMA. Sa Laiya, San Juan, Batangas pa nga huli nagpulong ang anim na retired generals na malapit sa dating Pangulo.”

Ngunit hindi pinangalanan ni Ejercito sinuman sa mga nabanggit niyang mga retiradong heneral.

Dahil dito, binabalaan ni Ejercito si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino na maging maingat dahil maaaring samantalahin ng diumano’y mga dating kaalyado ni dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang sitwasyon upang mabaling sa iba ang focus ng gobyerno.

“Dapat mag-ingat si PNoy kay GMA at sa mga loyal na mga heneral nito.  Sa laki ng war chest na naipon nila ay baka magsamantala ito sa mga crisis situation, at gamitin ang pondo para sa destabilization,” ani Ejercito.

Aniya, hindi lamang dapat pagtuunan ng pansin ng administrasyon ang ilang retiradong heneral na malalapit kay GMA kungdi maging ang ilang dating opisyal na umano’y nahaharap sa mga seryosong kaso gaya ng plunder sakaling magkaroon ng destabilisasyon.

Nagpahayag din ng pangamba ang kongresista na maaaring gamitin ng mga sangkot sa planong panggugulo ang diumano’y mga nakaw na yaman at maaari ding makipagsabwatan ang mga ito sa kasalukuyang kaaway ng gobyerno gaya ng breakaway group ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ilan pang kriminal.

“Kailangang maging maingat at suriing mabuti kung sino-sino ang may kagagawan ng mga karahasang ito. Maaring di lamang ang MILF ang kalaban ng pamahaalan. Kailangang suriin din ang mga politiko at iba pang nasa pwesto ng kapangyarihan na makikinabang sa mga kaguluhan sa bansa at sa pagkasira ng tiwala ng taumbayan sa pamahalaang Aquino.”

Samantala, nanawagan din si Ejercito sa administrasyong Aquino na gamitin ng tama ang intelligence fund hindi lamang sa pagsisiyasat ng naganap na pagpatay sa 19 na sundalo sa Basilan kungdi sa iba pang mga pagbabanta sa seguridad ng bansa.

Hinamon pa ni Ejercito si Aquino na atasan ang mga negosyador ng gobyerno na igiit sa MILF na isuko na si Dan Laktaw Aswani upang maisailalim sa imbestigasyon matapos ipahayag ng MILF na nananatiling miembro ito ng grupo.

“Kung talagang seryoso ang MILF sa peace talks na ito, dapat i-surrender nila si Aswani ng walang kundisyon,” sinabi pa ni Ejercito. Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply