‘Di pagpapaalis kay GMA dapat suportahan – JV

HINDI dapat batikusin bagkus ay suportahan na lamang ang desisyon ng administrasyong Aquino na huwag paalisin ng Pilipinas si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo dahil nakasalalay dito ang pambansang interest.

Inihayag ito ni San Juan Rep. JV Ejercito sa gitna ng mga nakabinbing resolusyon sa kasong plunder at election sabotage na posibleng kaharapin ni GMA.

Muling iginiit ni Ejercito na posibleng hindi na bumalik ng bansa  si GMA sakaling payagan ng administrasyong Aquino na makapagpagamot sa ibang bansa lalo pa’t may nauna na ring pagdududa si Justice Secretary Leila de Lima kung bakit ang bansang ipinagpapaalam ng dating pangulo na pupuntahan ay walang extradition treaty sa Pilipinas.

May hinala ang mambabatas na maaaring tuluyang takasan ni GMA ang mga kasong posibleng kaharapin nito dahil sa takot na makulong habambuhay.

Naniniwala si Ejercito na ang pagtutol ng gobyerno na makaalis ng bansa Pilipinas si GMA ay suportado ng nakararaming Pilipino na diumano’y pinagkaitan ng hustisya kaugnay sa mga kasalanan ng nagdaang administrasyon.

“The only way to satisfy the people’s thirst for justice is to prevent Mrs. Arroyo from escaping prosecution. She must be tried in the court,” ani Ejercito.

Naunang sinabi ni de Lima na “no extreme necessity” para sa madaliang pagpapagamot sa ibang bansa ni GMA batay na rin sa obserbasyon ni Health Secretary Enrique Ona na ang kalagayan ng dating pangulo ay bumubuti na.

Nagbabala pa si Ejercito na posibleng kaharapin nito ang galit ng sambayanan kapag pinayagan si GMA na makalabas ng Pilipinas.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply