Doctors ng St. Luke’s igigisa sa electoral fraud probe

NAGKASUNDO ang dalawang komite sa Senado na ipatawag si dating Pangulo, ngayon Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kabilang ang dalawang doktor nito sa St. Luke’s Medical Center sa pagpapatuloy na imbestigasyon sa malawakang dayaan noong 2004 at 2007 national elections.

Sa press conference kanina, sinabi nina Sen. Teofisto Guingona, chairman ng Senate Blue Ribbon committee, at Sen. Francis Pangilinan na nagkasundo silang ipatawag ang dating Pangulo at mga doktor nito upang malaman ang tunay na kalagayan ng dating chief executive.

“They (the Arroyo couple) can be invited so that they can present their side,” ayon kay Guingona.

Inihayag din ni Guingona na ipatatawag din ng joint committee sa  susunod na linggo ang dalawang doktor ni Arroyo upang magpaliwanag sa tunay na lagay ng medical condition ng huli.

Sinabi ni Guingona na pahaharapin nila sa joint investigation ng Senate Blue Ribbon committee at electoral reforms and people’s participation sina Dr. Juliet Gopez-Cervantes, personal physician, at Dr. Mario Ver na siyang orthopedic surgeon ng dating Pangulo.

Sinabi pa ng senador, chairman ng blue ribbon na sa sertipikasyon na binigay nina Dr. Cervantes at Ver sa Supreme Court, si Gng. Arroyo ay lubusang gagaling sa problema nito sa kanyang buto sa loob ng anim hanggang walong buwan.

Pero sa travel request na sinumite ng dating Pangulo sa Kamara, bukod sa biyahe niya para magpagamot sa bansang Singapore, Germany at Spain, tutungo rin ito sa Estados Unidos para dumalo sa isang conference gayundin sa Switzerland kung saan dadalo rin sa conference sa death penalty.

“Kung ang kondisyon mo urgent at life threatening, bakit pa conference conference ka pa?”katuwiran ni Guingona.

Idinagdag pa ni Guingona na nakadagdag pa sa kalituhan ng tunay na kalagayan ng dating Pangulo ang naging pahayag ng Philippine Medical Association (PMA) na may sapat na facilities at espesyalista sa bansa na siyang gagamot sa sakit ng dating Pangulo.

Ang imbestigasyon ng joint committee ng Senado ay patungkol sa nangyaring dayaan noong 2004 at 2007 elections kung saan nakasuhan si dating Pangulong Arroyo ng electoral sabotage sa Pasay City Regional Trial Court.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply