DOH nagbabala sa mga sakit ngayong taglamig

UNTI-UNTI nang lumalamig ang panahon dahil sa nalalapit na Kapaskuhan. Dahil dito, pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na mag-ingat sa mga sakit na maaaring makuha ganitong panahon.

Ayon kay Dr. Lyndon Lee Suy, program manager for emerging and re-emerging diseases ng DOH, kalimitan nang marami ang kinakapitan ng mga influenza-like diseases tulad ng ubo, sipon at trangkaso na nakukuha kapag malamig ang panahon.

Kasabay nito, hinikayat pa ni Lee Suy ang publiko na panatilihing malakas ang kanilang immune system sa pamamagitan nang pagkakaroon ng healthy lifestyle.

Upang mapalakas ang immune system, kailangan na magkaroon ng sapat na tulog, umiwas sa paninigarilyo at alak.

Kailangan rin na kumain ng masusustansiyang pagkain at panatilihing malinis ang katawan.

Lagi ring tatandaan na dapat na takpan ang ilong at bibig tuwing uubo o babahing.

Pinayuhan pa ni Lee Suy ang publiko na umiwas sa matataong lugar at magsuot ng damit na akma sa panahon ng taglamig.

Samantala, nilinaw ng DOH official na walang katotohanan ang ulat hinggil sa pagkalat ng Influenza A (H1N1) virus sa Baguio.

Aniya, ang A (H1N1) virus ay itinuturing na lamang ngayon na isang influenza-causing virus.

Taong 2009 nang unang matuklasan ang naturang sakit na naging sanhi upang mag-panic ang buong mundo lalo na’t marami ang iniulat na nasawi dahil dito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply