DoJ idedepensa sa SC ang desisyon vs GMA

HANDANG panindigan ni Justice Secretary Leila de Lima sa Supreme Court ang pagpigil kay dating Pangulong Gloria Macapapagal-Arroyo para makapagpagamot sa labas ng bansa.

Iginiit ni De Lima na batay sa pagsusuri na pinagtibay ni Health Secretary Enrique Ona, napag-alaman na walang nakikitang matinding pangangailangan para magpagamot sa abroad si Congresswoman Arroyo.

Ayon sa kalihim, napagtanto nito na mas mabigat ang pangangailangan na mananatili sa bansa si Arroyo para hindi maapektuhan ang preliminary investigation kaugnay ng kanyang kasong election sabotage kaysa payagan siyang makalabas ng bansa na hindi naman kinakailangan sa kanyang kalusugan.

Naguguluhan din umano ang Justice Department sa mga bansang pupuntahan ng dating Pangulo na aniya’y paiba-iba at karamihan sa mga ito ay walang extradition treaty ang Pilipinas.

Hindi rin umano malinaw sa ginawang paalam ni Arroyo kung kailan ito babalik ng bansa sakaling payagan siya na mag-abroad.

Kaugnay naman sa karapatan na makapaglakbay na iginigiit ng kampo ng mga Arroyo, tahasang sinabi ni de Lima na hindi absolute ang karapatang ito na aniya’y dapat pa rin pangalagaan ang interes ng estado.

Nagpaliwanag naman ang kalihim kaugnay sa pagkukumpara sa kaso ni Arroyo sa malayang pagtakas sa bansa ni Ramona Bautista sa kabila ng kinakaharap na kaso hingil sa pagpatay sa kapatid na si Ramgen Revilla.

Ipinagmamalaki ng kalihim na suportado mismo ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang kanyang naging kapasyahan para pigilin ang paglabas ng bansa ni Arroyo na aniya’y para sa kapakanan ng taongbayan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply