Double na pang-opera sa ekonomiya ng Pinas

TALAGA namang gumagawa sina PNoy and company ng paraan na hindi masasamang babagsak ang Pinas sa nagbabagsakan na ekonomiya ng ibang mga bansa.

Lalo’t damang-dama ang pagbagsak ng pag-unlad ng ekonomiya ng Pinas mula 2010 sa taong ito. Kung umunlad man ang Pinas ng sabihin nating 100% noong 2010, 50% lamang ang inilago ng ekonomiya ngayong taon.

Kung makikinig tayo, mga Bro, sa mga balita sa ibang bansa, matindi ang nagaganap. Sa mga Arabong bansa, nagbabagsakan ang mga pamahalaan nila sa sari-saring rebolusyon.

Sa Europa, pati ang Germany na pinakamatibay ang kabuhayan ay hinihila pababa ng mga bansang kasapi ng European Community na nagbabagsakan dahil sa paglubog sa utang, pagkalugi sa negosyo at korapsyon.

DOUBLE BLADE LABAN SA KRISIS

Dalawang talim o blade, mga Bro, ang pinakakawalan nina PNoy laban sa krisis.

Isa ang pagbubuhos ng pondo para sa mga pagawaing bayan ngayon hanggang dumating ang Kapaskuhan.

Isa ang pamimigay ng bonus sa mga empleyado ng pambansang pamahalaan.

Ang tanong lang, eh, makatutulong ba ang mga ito sa paghahabol ng pamahalaan na lumago ang ekonomiya gaya ng inaasahan nito na kahit 75% lamang batay sa kuwentahan natin sa una?

UNANG TALIM AT GRABENG TRAPIK

Ang mga pagawaing bayan gaya ng pag-repair ng mga kalsada sa Metro Manila, mga Bro,
ang unang hakbang ng pamahalaan para lumago ang ekonomiya.

Dito, gumana ang negosyo ng mga gumagawa at nagtitinda ng bakal, semento, yero, lubid, trak, bato, buhangin at iba pa.

Nagkapera naman ang mga obrero.  Dahil nagkapera ang mga ito, may kakayahan na rin silang bumili ng iba pang mga produkto.

Kaya naman, iikot ang perang ibinuhos dito hanggang sa katapusan at pagmumulan ito ng paglago ng ekonomiya.

Pero habang isinasagawa ang mga proyekto, mga Bro, napakarami naman ang nalugi gaya ng motorista.

Yung isang oras na biyahe ay naging apat na oras at dahil sa laki ng konsumo nila sa petrolyo, tanging ang mga kompanyang langis lang ang kumita…at ang gobyerno na rin mula sa ipinatong dito na P15 kada litro na expanded value added tax.

Marami ring negosyo ang nalugi dahil sa wala sa oras ng delivery ng mga paninda at serbisyo ng mga ito.

PANGALAWANG TALIM AT ANG P10K BONUS

Halos lahat naman ng mga empleyado ng pamahalaan ay magkakaroon ng bonus na P10,000.

Kaiba pa rito, mga Bro, ang 13th month pay at ang P5,000 cash gift.

Pero puwera rito ang mga hindi naka-abot ng apat na buwan bilang empleyado, consultant at mga hawak ng mga labor contractor.

Ewan natin kung kasama ang mga 20 kataong tanod ng bawat barangay.

Lahat kasi ang mga pamahalaang lokal, hanggang sa mga barangay ay magbibigay ng mga halagang ito.

Pero magmumula umano ang pondo para rito sa mga internal revenue allotment at iba pang pinagkakakitaan ng mga lokal na pamahalaan.

Sa bahagi lang ng pambansang pamahalaan, tinatayang nasa P11.9 bilyon ang bibitiwang halaga. Dahil sa laki ng halaga ng pinagsamang pakakawalang pondo ng pamahalaan sa milyon na empleyado nito, inaasahan ding lalago ang ekonomiya bago lilipas ang taon.

IPAMBABAYAD LANG SA UTANG

Pero lalago ba ang ekonomiya kung ibabayad ng nakararami ang kanilang mga bonus, cash gift at 13th month pay sa iilang pinagkakautangan nila?

Nakararami kasi, mga Bro, sa mga empleyado ng gobyerno ang lubog sa utang sa mga Bumbay at iba pang mga buwayang nagpapautang.

IBAHIN ANG ESTILO

Ang sabi ng mga nasa Kongreso at Palasyo, maaga nilang ipapasa ang pambansang badyet.

Bago pa dumating ang Bagong Taon, dapat na umanong napirmahan na ang nasabing badyet para sa Enero 1, 2012 ay gagana agad ang pagbubuhos ng pondo para sa mga development project.

Maaaring hindi na umano mauulit ang pagiging boksingero ng pamahalaan na pinagmulan ng pagbagsak ng ekonomiya.

Sa mga boksingero, palaging nakatikom ang mga kamao at palad at kung ganito ang pamahalaan, walang lalabas na pondo para sa mga proyekto.

PUBLIC-PRIVATE PARTNERSHIP

Itong public-private partnership ang inaasahang magpapalago sa ekonomiya dahil gagastusan ito ng nasa P700 bilyon at higit pa.

Tinangka nina PNoy na paandarin ito ngayong taon pero ewan natin kung ano ang nangyari.

Ang malinaw lang ay ang pagkalulong ng mga ito sa paghahabol kay Aling Gloria  para makulong.

Huli na nang maisip nilang bumagsak ang ekonomiya dahil sa pagkaligaw nila ng landas habang tumatahak sa matuwid na daan.

Hehehe!

PPP, SI ALING GLORIA AT MGA CRONY

Ewan natin kung makapag-concentrate na sina PNoy sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa 2012.

Dahil iisa pa lang ang kaso na naihabol nila sa 2011  laban kay Aling Gloria.

Eh mukhang darami yata ang hahabulin nila sa 2012.

Dahil marami ang mga kasong plunder ni Aling Glorria samantalang isasama sa kanya ang mga crony umano nito, kabilang na si Big Mike.

Anak ng tokwa, baka maligaw na naman ng landas sina PNoy sa kahahabol sa mas maraming korap na sanhi ng paghihirap.

Hehehe!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply