DTI didikdikin sa depektibong X-mas light

NAKATAKDANG ipatawag ng Senate committee on trade and commerce ang Department of Trade and Industry (DTI) upang magpaliwanag kung bakit nakapapasok sa lokal na pamilihan ang depektibong Christmas light na mapanganib na mabili tuwing Kapaskuhan.

Bukod dito, iimbestigahan din ng naturang komite ang mga peligrosong pyrotechnic at paputok na ipinagbabawal ng batas na patuloy na minamanupaktura sa bansa.

Ipinatawag ni Sen. Manny Villar, chairman ng senate committee on trade and commerce, ang imbestigasyon upang sa gayon ay malaman din sa mga kinatawan ng gobyerno kung anong hakbang ang kanilang ginagawa laban sa mga dispalinghadong Christmas lights, pyrotechnics at firecrackers.

Makakatuwang ni Villar ang senate committee on public order and illegal drugs na pinamumunuan ni Sen. Gregorio Honasan ang committee on health and demography na pinamumunuan ni Sen. Pia Cayetano.

Ayon sa senador, regulated products ang pagbebenta ng Christmas lights kung kaya’t marami itong dinadaanan na rekisitos para makuha ang Philippine Standards (PS) license at Import Commodity Clearance (ICC) certificate.

Subalit marami sa mga Christmas light na walang sertipikasyon mula sa Department of Trade and Industry (DTI) ang nakakalusot sa merkado. Ang mga dispalinghadong Christmas lights ay may maninipis na wire at malalambot na plug pins kung kaya’t nagiging sanhi ng sunog.

Hinggil naman sa mga firecrackers at pyrotechnics, sinabi ni Villar na kahit naisabatas na ang Republic Act 7183 o ang “An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices,” marami pa rin ang sumusuway sa batas na ito kung kayat hindi rin maampat ang disgrasyang dulot nito.

Binanggit ni Villar ulat ng DOH-National Epidemiology Center na mayroong 733 ang nasugatan, 714 dito ay fireworks related mula noong Disyembre 21, 2008 hanggang Enero 5, 2009.

“A review of the current regulations must be had in order for the Philippines to conform with the international standards for fireworks and firecracker manufacture and enforce a policy of standardizing the size and chemical content of these devices so that the general public is protected from harm and the other dangers brought about by the use of pyrotechnics and similar devices,” ani Villar. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply