Electoral sabotage case inalmahan ng Arroyo camp

UMALMA ngayon ang kampo ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa pagsasampa ng kasong electoral sabotage laban sa kanya at iba pang dating opisyal hinggil sa umano ay pagkakasangkot sa dayaan noong 2007 elections.

Ayon kay Atty. Raul Lambino, legal counsel ni Gng. Arroyo, hindi man lamang sila nabigyan ng pagkakataon na makapagpaliwanag o maghain ng counter affidavit.

Kumbinsido si Lambino na ang hakbang ng Commission on Elections ay patunay lamang na gagawin ng administrasyong Aquino ang lahat laban sa dating Pangulo kahit hindi nasusunod ang tamang proseso ng batas.

Itinaon din aniya ito sa kritikal na kalagayan ni Gng. Arroyo nang sagayon ay hindi ito makalabas ng bansa upang makapagpagamot.

“Gawa-gawa lamang at pawang mga walang basehan ang kasong isinampa laban kay Ginang Arroyo,” ayon kay Lambino.

Subalit ikinatuwa naman ni CIBAC Party-list Rep. Sherwin Tugna ang naging hakbang ng Comelec na pagsasampa ng electoral sabotage laban sa dating Pangulo.

Ayon kay Tugna matagal ng hinihintay ng taumbayan na makasuhan si Gng. Arroyo.

Dahil sa kasong inihain sa Pasay City Regional Trial Court ng Comelec laban kay Gng Arroyo ay mas magiging malinaw na umano ang pag-iisyu ng Hold Departure Order na maaaring ipalabas ng korte.

Ito lamang aniya ang posibleng makapigil sa posibilidad ng constitutional crisis matapos lantarang balewalain ni Justice Secretary Leila de Lima ang TRO na ipinalabas ng Korte Suprema.

Kanina ay tuwiran namang ibinasura ng SC ang motion for reconsideration na inihain ng Department of Justice.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply