Fake mediamen, ban na sa Aduana

TULOY at wala nang makapipigil sa plano ni Bureau of Customs Comm. Rufino Biazon na ipagbawal ang pagpasok sa ahensiya ng mga pekeng reporter o ‘hao shiao’ at ‘fly-by-night-publications.’

Sa panayam ng Remate, sinabi ni Elenita Abaño, hepe ng Public Information Assistance Division, ‘kinikinis’ na ng BOC Legal Department ang ‘draft customs memorandum order’ hinggil dito at agad na ipatutupad sa sandaling malagdaan ni Biazon.

Sa kanyang pag-upo bilang customs chief noong Setyembre 19, inihayag ni Biazon na isa sa kanyang prayoridad ang paglilinis sa ahensiya ng mga pekeng mediamen na ang karamiha’y hindi marunong magsulat at ang iba nama’y prente lang ng mga tiwaling empleyado at opisyal ng ahensiya at smuggling syndicates.

Sa ngayon, tinatayang aabot sa 200 ang mga “reporter” sa BOC habang 19 naman ang mga lokal na pahayagan.

Una rito, nakuha ni Biazon ang suporta ng dalawang media organization sa Aduana, ang Customs Tri-Media Association at Customs Media Association para sa nasabing kampanya.

Suportado rin si Biazon ng mga lehitimong samahan ng media sa pangunguna ng National Press Club of the Philippines at Alyansa ng mga Filipinong Mamamahayag.

Sa detalye ng regulasyon na nakita ng Remate, hihingan ng ‘accreditation’ ang lahat ng ‘media entitities’ (radyo, dyaryo, telebisyon) na gustong kumuha ng balita sa Aduana habang limitado naman sa tatlong reporter ang mga lokal na publikasyon.

Daraan na rin sa masusing pagrepaso ang lahat ng mga pahayagan na may sirkulasyon ngayon sa Aduana kung saan kailangan silang rehistrado sa mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Securities and Exchange Commission, Department of Trade and Industry at Bureau of Internal Revenue.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply