Gentleman talaga si Robin

PINAHANGA kami ni Robin Padilla sa kanyang naging desisyon na magparaya kay Laguna Governor Jeorge “ER” Ejercito Estregan na hindi na ituloy ang pagsali ng kanyang pelikulang “Mr. Wong” na siyang official entry ng RP Production sa nalalapit na Metro Manila Film Festival.

Kilala natin si Binoe na hindi marunong umatras sa anumang laban at talagang kahit sabihin pang hindi pa siya nag-uumpisang mag-shoot ng kanyang pelikula ay pilit niyang tatapusin ito para makahabol sa deadline.

Kaya nga lang, may mga naglabasang diumano’y hindi na makahahabol pa ang kanyang pelikula kaya nga nag-back out na ito.

Kausap ko si Direk Sid Pascua kamakailan lang at siya na mismo ang nagsabi na isu-shoot na nila ang filmfest entry ni Binoe. Kaya nga lang, ilang araw matapos ng aming pag-uusap ni Direk Sid ay nagpahayag si Robin na hindi na nga siya sasali para bigyang puwang ang pelikulang “Kingpin, The Untold Story of Asiong Salonga” bilang pagbibigay nga sa kaibigan niyang si Gov. ER na alam din niyang matagal na ring tapos ang pelikula.

Alam namin na malaki ang pasasalamat ni Gov. ER sa naging desisyon ni Robin at nalulungkot lang ito kung bakit parang pinag-aaway pa sila. Noon pa man ay sinabihan na si Gov. ER na kung sakaling may mga pelikulang entry sa MMFF na hindi makahahabol sa deadline ay may tsansa silang makapasok o alin man sa mga pelikulang naghihintay rin ng eventualities.

Maaaring blessing in disguise din ang naging desisyon ni Binoe para sa kanyang pelikula na early next year na lang niya ito ipapalabas at mapupulido pa nila nang husto ang pagkakagawa nito.

Saludo kami kay Binoe at sana suportahan rin niya ang aming ipinapaglaban na magkaroon ng sariling festival ang action films tulad rin ng paghahangad ng mag-amang Sen. Lito Lapid at PTA Gen. Manager Mark Lapid na isakatuparan ito para muling buhayin ang action films at magkaroon ang mga stuntmen at iba pang manggagawa ng pelikulang Pilipino na magkaroon uli ng pagkakakitaan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply