Gisado sa sariling mantika (2)

KARANIWANG problema ngayon ng mga manggagawa ay ang pagiging abusado ng mga employer tulad na lang ng hindi pagbibigay ng mga benepisyo na ipinagkakaloob sa kanila ng ating gobyerno segun sa isinasaad ng ating batas.

Katulad halimbawa ng pagkakaroon ng Social Security System at PAG-IBIG memberships.

Importante ang dalawang benepisyong ito sa buhay ng isang ordinaryong manggagawa subalit tila sadyang sinusuwag ito ng mga mapagsamantalang employer.

Mula sa texter na may numerong 094975771… –

Gud am po, sir. Alam po namin na kayo lang po ang makatutulong sa amin.

Mahigit 100 po kami na mga driver, 200 pahinante at 2,000 iba pa na tauhan po sa loob ng production area ng kompanyang W. L. FOODS PRODUCT sa Va-lenzuela City na pawang walang SSS, PAGIBIG at maging PhilHealth.

Paano na po ang aming mga pamilya sakaling may mangyari sa amin sa oras ng trabaho?  Dose oras pa po ang trabaho namin at P290 lang po ang sahod namin kada araw. Tama po ba ito?
Sana po ay matulungan ninyo kami.

Payo ko sa kanila, kausapin muna nila ang kanilang employer at hilingin na gawin sila bilang mga miyembro ng SSS at PAGIBIG base sa sinasabi ng ating batas hinggil dito.

Sa usaping underpayment of basic wage, iligal din ‘yan at ang National Labor Relations Commission (NLRC) ng Department of Labor ang tanging makapagbibigay ng solusyon sa inyo sa pamamagitan ng arbitration o dagliang pagsampa n’yo ng kaukulang kaso laban sa inyong kompanya.

Maging ang mga guwardiya ng 8-Silver Security Agency na pawang nagbabantay sa Chinese General Hospital & Medical Center ay inirereklamo rin ang kanilang agency na pag-aari ng mag-asawang Mr. at Mrs. Hormigas. Ayon sa texter na may No. 09096618, bukod sa palaging delayed ang kanilang sahod ay wala ring inihuhulog na contributions sa kanilang SSS at PAGIBIG memberships kahit na patuloy silang kinakaltasan ng kanilang amo mula sa buwanang sahod nila.

Napatunayan na nila ito sa ilang beses nilang pagpunta sa tanggapan ng dalawang ahensiya ng gobyerno. Wala rin daw ibinibigay sa kanilang payslips kada payday at pinapipirma lang sila sa payroll sheet na napapatungan ng blangkong papel.

Para sa akin, maliwanag na pandaraya ito na kinakailangang silipin agad ng Bureau of Internal Revenue at maging ng SSS at PAGIBIG!

* * * * * * * * *

Pero, habang nagrereklamo ang maraming mang-gagawa dahil sa kawalan nila ng SSS at PAGIBIG memberships, umaalma rin ngayon ang rank-and-file employees ng mismong SSS dahil naman sa kakulangan daw umano sa take-home pay nila habang patuloy daw ang pagbiyahe sa ibang bansa – partikular sa Europe – ng amo nilang si Emilio de Quiros.

Hindi naman nasabi ng ating texter (na may numerong 09465805) kung official trip o pagliliwaliw lang ang mga ginagawang pagbiyahe ni De Quiros sa ibang bansa. Maging ang kanilang mga maliliit na bonus daw ay ayaw ding ipagkaloob ng pamunuan ng SSS.

Bakit naman kaya? Maasahan natin tiyak ang pa-liwanag dito ni Manong Joel Palacios sa mga susunod na araw. Abangan!

* * * * * * * * *

Anomang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999433-3437; 0927-8473781; at 09224346131 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar-@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply