Gisado sa sariling mantika

PATOK sa government sector ang panukala ni Senator Ralph “VAT” Recto na  dagdagan ang napipintong mga bonus ng mga opisyal at rank-and-file employees ng ating pamahalaan.

Pero sa panukalang ito, layunin ng senador na makakalap ang pamahalaan ng ekstrang buwis mula sa mga empleyado ng gobyerno.

Halimbawa, sakaling umabot matuloy ang panukala at umabot sa halagang P30,000 ang tatanggaping bonus ng isang empleyado, awtomatikong bubuwisan ito ng pamahalaan.

Pero, wala na bang makitang paraan si Sen. Recto para makakalap ng sapat na pondo ang pamahalaan sa pamamagitan ng buwis?

Mukhang hindi niya nakikita ang yaman na naipupuslit ng mga mining lord sa kabundukan na magpahanggang ngayon ay hindi napapatawan ng pamahalaan ng karampatang buwis.

Base sa estatistika, 70 porsiyento ng mga ginto at iba pang uri ng mineral deposits na namimina ng mga mining lords ay pawang “tax free.”

Bakit hindi ito ang gawing sentro ng programang pangkabuwisan ni Senador Recto para sa pamahalaan dahil bilyon-bilyong piso ang halaga ng buwis na naitatakbo ng mga mining lord, lalo na sa mga lalawigan sa Mindanao?

May mga balita na kasabwat ng mga mining lord na ito ang ilang opisyal ng Bureau of Internal Revenue at ng Department of Environment and Natural Resources kung kaya’t malayang nakapag-mimina ang mga ito kahit walang binabayarang kahit singkong duling bilang buwis.

Balik tayo sa dagdag na bonus ng mga kawani ng gobyerno.

Sang-ayon ang marami sa kanila sa panukala ni Sen. “Vat” Recto.

Anila, sakaling matuloy ay ngayon pa lang daw sila makatitikim ng malaking dagdag bonus mula sa gobyerno kahit pa ito ay may buwis.

Pero meron ding mga sumasalungat dito partikular ‘yung mga pangkaraniwang empleyado lang.

Duda kasi sila sa panukalang ito ni Recto.

Pakiwari nila ay gisado sila sa sariling mantika.

Bakit nga naman kinakailangan pang buwisan ang kanilang mga bonus sakaling ito ay madagdagan gayung napakaraming opisyal ng gobyerno ang hindi nagbabayad ng tamang buwis sa ating pamahalaan.

* * * * * * * * *

Karaniwang problema ngayon ng mga manggagawa ay ang pagiging abusado ng mga employer tulad na lang ng hindi pagbibigay ng mga benepisyo na ipinagkakaloob sa kanila ng ating gobyerno segun sa isinasaad ng ating batas.

Katulad halimbawa ng pagkakaroon ng SSS at Pag-Ibig memberships.

Importante ang dalawang benepisyong ito sa buhay ng isang ordinaryong manggagawa subalit tila sadyang sinusuwag ito ng mga mapagsamantalang employer.

Mula sa texter na may numerong 094975771…

Gud am po, sir.

Alam po namin na kayo lang po ang makatutulong sa amin.

Mahigit 100 po kami na mga driver, 200 pahinante at 2,000 iba pa na tauhan po sa loob ng production area ng kompanyang W. L. FOODS PRODUCT sa Valenzuela City na pawang walang SSS, Pag-Ibig at maging PhilHealth.

Paano na po ang aming mga pamilya sakaling may mangyari sa amin sa oras ng trabaho?

Dose oras pa po ang trabaho namin at P290 lang po ang sahod namin kada araw. Tama po ba ito? Sana po ay matulungan n’yo kami. (ITUTULOY)

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply