GMA hindi gagayahin si Lacson – Lambino

HINDI gagayahin ni dating Pangulo, ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo si Senador Panfilo Lacson na nakalabas ng Pilipinas upang diumano’y tumakas sa kaso gamit ang mga pekeng dokumento.

Ito ang tiniyak ni Atty. Raul Lambino, legal spokesman ni GMA, dahil magkaiba aniya ang kalagayan noon ni Lacson na malakas at matipuno nang lumabas ng bansa samantalang si GMA ngayon ay mahina ang katawan dahil sa tinataglay na sakit.

Binigyang diin pa ni Lambino na haka-haka lamang ang mga ibinintang ng mga kritiko ng dating pangulo na hindi na babalik ng Pilipinas sakaling payagang lumabas ng bansa upang magpagamot.

Kinondena ni Lambino ang patuloy na pagsasangkalan ng administrasyong Aquino sa kanyang kliyente upang pagtakpan ang lahat ng kapalpakan ng gobyerno at mapanatili ang kanilang political popularity.

Panawagan ng abogado sa publiko na makabubuti aniyang tingnan din kung ano ang tunay na ginagawa ng administrasyon at mga gabinete nito dahil wala umanong ginawa ang mga ito kundi birahin ang dating Pangulong Arroyo.

Iginiit pa nito na isang malinaw na paglabag sa karapatang pantao ni Arroyo ang hindi pagbibigay ng permiso  na lumabas ng bansa kaya sakaling hindi pa payagan ni Justice Secretary Leila de Lima na magpagamot ay gagawa na sila ng legal na hakbang.

Naunang sinabi ni de Lima na nagdadalawang isip ang kagawaran na bigyan ng authority to travel si GMA dahil sa paiba-ibang bansang pupuntahan nito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply