GMA ikulong sa orthopedic– Sen. Jinggoy

TILA paghihiganti sa kanyang sinapit noong nakaraang administrasyon, iginiit ngayon ni Senador Jinggoy Estrada na ikulong si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa Philippine Orthopedic Center sa halip na manatili sa maluhong St. Luke’s Medical Center sa Taguig City.

Reaksiyon ito ni Esttrada nang aprubahan ni Pasay City Regional Trial Court Judge Jesus Mupas ang hirit ng abogado ni Arroyo na manatili muna sa St. Luke’s ang kanyang kliyente habang hinihintay ang panimulang paglilitis sa kasong electoral sabotage na isinampa ng Commission on Elections (Comelec).

“Kung may problema siya sa buto, dun siya dapat sa Orthopedic,” giit ng senador.

Nauna nang giniit ni Estrada na ilipat sa Veterans Memorial Medical Center si Gng. Arroyo subalit bandang huli napag-isipan din nitong makabubuting sa Philippine Orthopedic Center dalhin ang dating Pangulo dahil maraming espesyalista dito hinggil sa may mga problema sa ‘spine.’

Ang Philippine Orthopedic Center sa Banawe St., Sta. Mesa Heights sa Quezon City ay isang 700-bed tertiary special hospital na nasa pangangasiwa ng Department of Health (DOH), kung saan dito pangkaraniwang isinusugod ang mga nababalian ng buto, lalo na ang mga nadidisgrasya sa motorsiklo at iba pang uri ng sasakyan.

Oras na gumaling si Gng. Arroyo, ay iginiit din ni Estrada na ilipat sa Fort Sto. Domingo, ang traning camp ng Special Action Force sa Sta. Rosa, Laguna, ang dating Pangulo upang sa gayon ay malasap din nila ang ginawa sa kanilang mag-ama (Jinggoy at dating Pangulong Joseph Estrada) nang kinasuhan sila ng plunder noong 2001.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply