GMA ipinaaaresto na sa kasong electoral sabotage

INILABAS na ni Pasay City Regional Trial Court Judge Jesus Mupas ang warrant of arrest laban kina dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. at dating provincial election supervisor Lintang Bidol.

Sa ginawang pahayag ni Atty. Joel Pelicano, court administrator ni Judge Mupas ng Branch 112, nakakita umano ng sapat na ebidensiya ang hukom kaugnay sa kasong electoral sabotage laban sa mga akusado kaya’t kaagad na naglabas ng warrant of arrest.

Itinakda naman ni Judge Mupas sa araw ng Lunes, alas-9:00 ng umaga ang pagdinig kaugnay sa hinihirit na Hold Departure Order (HDO) laban sa tatlo upang bigyan ng pagkakataon ang mga nasasakdal na makapagsumite ng kanilang komento.

Kaaninang umaga, bitbit ng mga tauhan ng joint committee ng Department of Justice at Commission on Elections (Comelec) ang bulto-bultong mga ebidensiya na magpapatunay na may nangyaring pagsasabuwatan sa pagitan ng tatlong akusado upang manipulahin ang halalan sa Maguindanao noong 2007 elections at matiyak ang 12-0 win ng Team Unity ng dating administrasyon.

Kaugnay nito, nag-aabangna ang mga miyembro ng media sa lobby ng St. Luke’s Medical Center sa Taguig City kung saan nakatakdang arestuhin si dating Pangulong Arroyo.

Nakakalat na rin ang mga pulis sa paligid ng nabanggit na ospital upang panatilihin ang seguridad.

Samantala, ayon kay Atty. Raul Lambino, abogado ni Gng. Arroyo, pinag-iisipan nila ang hospital arrest para sa kongresista.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply