GMA sa public detention cell oks kay Iñiguez

SANG-AYON si Caloocan Bishop Deogracias Iñiguez sa panukalang sa public detention cell makulong si dating pangulo, ngayon ay Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, na nahaharap sa kasong electoral sabotage dahil sa sinasabing pandaraya sa 2007 elections.

Ayon kay Iñiguez, chairman ng Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), nararapat lamang na makulong sa public detention cell ang dating Pangulo, partikular na kapag mapatutunayang nagkasala siya sa batas.

Sinabi ni Iniguez na kailangang maging pantay-pantay ang lahat sa mata ng batas.

Kung sinasabi aniya ng batas na dapat makulong ang dating Pangulo sa city jail o New Bilibid Prison (NBP) ay dapat lamang ipatupad ito.

“Kasi mayroon tayong mga batas, itong mga batas na ito ang dapat sundin at before the law, all of us are equal. Dapat sundin ang batas walang exceptions o special treatment,” ayon kay Iniguez, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Sa kabila nito, sinabi ni Iñiguez na tama lamang din naman na makaramdam ng awa at pagpapatawad ang mga Filipino sa kasalukuyang sitwasyon ni Arroyo, dahil inuusig ito sa kabila ng kaniyang karamdaman, ngunit iginiit na hindi nararapat na balewalain ang batas.

“Maganda lamang na magkaroon ng compassion.  Tama lamang na tayo ay maawa pero at the same time dapat nating itaguyod din ang kabutihan ng batas,” aniya pa.

Binigyang-diin ni Iñiguez na nararapat na magkaroon ng patas na paglilitis sa kaso ng dating Pangulo upang lumabas ang totoo at matapos mapatunayan ang katotohanan ay patawan ng parusa ang nagkasala para makamit ng taongbayan ang hustisya.

Naniniwala rin si Iñiguez na para sa kapakanan ng nakakarami ay dapat magkaroon ng katarungan ang mga kaso ni GMA.

Umaasa rin ang Obispo na walang special treatment na ipagkakaloob ang pamahalaan at ang hukuman sa sinumang nagkasala sa batas para manumbalik ang tiwala ng mga Filipino sa justice system ng bansa, maging ito man ay dating pangulo ng bansa.

Una nang sinabi ni Solidarity Philippines convenor  Fr. Joe Dizon na dapat sa regular na kulungan mapiit si GMA.

Aniya, dapat alisin ang VIP treatment sa dating pangulo para makita ng taumbayan na pantay-pantay ang mayaman at mahirap sa mata ng batas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply