Live coverage sa kaso ni GMA tinutulan

HINDI na kailangan ang live media coverage sa paglilitis ng kasong electoral sabotage na kinahaharap ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo dahil baka hindi umano makatulong ang pagkilos sa deliberasyon sa korte.

Ganito ang paniniwala ni Sen. Gregorio “Gringo” Honasan matapos suportahan ng ilang senador ang panukalang magkaroon ng live coverage sa paglilitis kay Mrs. Arroyo tulad nang isinagawa kay dating Pangulong Joseph Estrada sa kasong pandarambong.

“Nangangamba tayo na baka hindi makatulong sa proceedings sa korte o makaapekto sa tinatawag na due process ang live coverage,” ayon kay Honasan.

Aniya, dapat hayaan na lamang ang desisyon sa korte kung papayagan o hindi na ang magkaroon ng live media coverage sa paglilitis upang hindi sagkaan ng karapatan ang hukom na lilitis kay Mrs. Arroyo.

Nauna nang sinuportahan nina Sen. Miriam Defensor-Santiago, Jinggoy Estrada at Teofisto Guingona III ang panukalang magkaroon ng live coverage sa paglilitis upang matunghayan umano ng taumbayan ang nangyayari sa loob ng korte.

Naniniwala si Santiago na may karapatan ang mamamayan na malaman ang nangyayari sa loob ng korte ngunit ipinaubaya niya sa korte kung papayagan ang ganitong sistema na siyang sinuportahan naman ni Senate President Juan Ponce Enrile.

Ngunit para kina Estrada at Guingona, mas makabubuting ilantad sa publiko ang nangyayari sa loob ng korte upang malaman ng mamamayan ang nangyayaring proseso tulad nang isinagawa kay dating Pangulong Estrada.

“Dapat siguro magkaroon ng live coverage upang maintindihan ng taumbayan ang ginawa ni Mrs. Arroyo sa ating bayan,” ayon kay Guingona. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply