Hamon ni Sen. Bong kay Genelyn: Pauwiin mo si Ramona

HINAMON ni Sen. Ramon “Bong” Revilla ang ina nina Ramona at Ramon Joseph Bautista na si Genelyn na pauwiin si Ramona sa banasa kung naniniwala ito na walang kinalaman sa pagkamatay ni Ramgen ang anak.

“Pabalikin mo ang anak mo, hindi ako naniniwala na hindi mo alam na aalis yung anak mo, ilabas nyo,” ayon sa senador.

Ito ang mismong sinabi ni Sen. Bong nang lumabas sa balitang dumiretso ng Turkey si Ramona makaraang umalis ng bansa kagabi patungong Hong Kong.

Una rito, mismong si Sen Bong ang nagkumpirma na may asawa na ang kapatid niya sa ama na si Ramona.

Ang mister na ito ang sinasabing pupuntahan ni Ramona kung totoo ang ulat na nasa Turkey na matapos umalis ng bansa kagabi.

Lumalabas sa pahayag ni Sen Bong na 19-anyos lang nang mag-asawa si Ramona dahilan kaya sumama ang loob ng kanilang ama na si dating Sen Ramon Sr.

“Kaya sumama ang loob ng aking ama dyan kay Mara dahil nag-asawa ng bata…yun nga I think 19 years old nung mag-asawa si Mara. ‘Yon malamang ‘yon ang pupuntahan niya dun sa Turkey,” tugon ng senador nang kunan ng reaksiyon ni Lolit tungkol sa mga impormasyon na nasa Turkey na si Ramona, 21-anyos na ngayon, matapos umalis ng Pilipinas patungong Hong Kong.

Una rito, nagpahayag ng pagkabigla si Sen Bong nang malaman na umalis ng bansa si Ramona sa kabila ng lumilitaw na resulta ng imbestigasyon ng Paranaque City Police na may kinalaman ito sa pagkamatay ng kanilang kapatid na si Ram o Ramgen Revilla.

Ikinagulat din umano niya ang pagbabago ng pahayag ni Ramona na hindi siya totoong dinukot ng mga suspek na pumatay kay Ram noong nakaraang linggo.

Bukod kay Ramona, nasasangkot din sa krimen ang kapatid nilang si Ramon Joseph (RJ)
Bautista, na kasalukuyang nasa kostudiya na ng pulisya.

Sina Ramona, Ram at RJ, ay mga anak ni Ramon Sr sa dating aktres na si Genelyn Magsaysay.

Iginiit ng senador na mahal niya ang kanyang mga kapatid sa ama pero dapat umanong managot sinuman ang may kinalaman sa pagpaslang kay Ram at malubhang nakasugat sa nobya nitong si Janelle Manahan.

Ipinaalala rin niya kay Genelyn na bagaman ang mga anak niya ang itinuturong akusado sa krimen, hindi umano nito dapat kalimutan na anak din niya ang biktima.

Dagdag pa ni Sen Bong, hindi pa alam ng kanilang may sakit na ama ang mga bagong nangyayari sa kaso ni Ram partikular ang biglang pag-alis ni Ramona.

Makikipag-ugnayan din umano ang senador sa National Bureau of Investigation para makipag-ugnayan sa Interpol upang mapabalik kagaad sa bansa si Ramona.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply