High powered firearms nakumpiska ng Navy

HULI ng mga kagawad ng Philippine Navy ang ilang pirasong mataas na kalibreng baril at daan-daang bala mula sa isang maliit na barko na kanilang nasabat sa karagatang sakop ng Cabalian Pt., Parang, Sulu province.

Ayon sa report na nakarating sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Alex Pama na isinunite ni Ens. Raymund Sarmiento, ang commanding officer ng PG384 Navy vessel, nakumpiska nila sa bangka ang dalawang M16 rifle, isang M16A1 at isang M14 rifle.

Bukod dito ay nakasamsam din ang mga tauhan ng Navy ng umaabot sa 429 iba’t ibang klase ng mga bala ng armas, 11 short magazine, limang long magazine, limang clips ng M14 rifle, isang bolo at marami pang mga kargamento.

Sinabi ni Sarmiento, gumagawa sila ng maritime interdiction patrol na siyang regular nilang ginagawa sa karagatan ng Sulu nang namataan nila ang nasabing barko na may kahina-hinalang mga kargamento, kaya agad nilang nilapitan ito at ininspeksyon.

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, ang nasabing barko na may kargang 21 mga pasahero ay may pangalang F/B Madznur na pagmamay-ari umano ng isang taga Barangay Walled City, Jolo Sulu na nakilalang si Mudassil Madjung.

Maliban sa mga iligal na kargamentong nasamsam, expired din ang mga papeles ng barko gaya ng Certificate of Inspection at Special Permit for Unlicensed Officer galing sa Maritime Industry Authority.

Sa intelligence report na nakuha ng Phil. Navy, ang maliit na barko ay sinasabing  ginagamit ng mga masasamang loob gaya ng mga pirata na responsable sa mga extortion na nangyayari sa karagatan ng Parang, Sulu partikular sa mga fishing boat.

Ang barko ay nasa kustodiya na ngayon ng awtoridad habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon para malaman kung kanino ang mga nakuhang armas. Verlin Ruiz

 

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply