Hindi dapat maging kill joy ang COA

ISANG importanteng isyu ang hindi masyadong napansin dahil sa paggunita ng lahat sa araw ng mga yumao at santo at sa dami ng sensational crimes na naganap nitong nakaraang ilang araw, na kinabibilangan ng pagpatay kay Ram Revilla ng umano’y mga kapatid niya at kay Ricky Pempengco na tatay ng international singing sensation na si Charice.

Ang isyu na sinasabi ko ay tungkol sa utos ng Commission on Audit (COA) sa mga opisyal at kawani nang Cebu Ports Authority (CPA) na ibalik sa kaban ng bayan ang P31.7 milyong halaga ng Christmas bonus at cash gifts na ibinigay nila sa kanilang sarili noong mga taong 2009 at 2010.

Ikinatwiran kasi ng COA na iligal at labag sa Republic Acts 6686 at 8441 ang ginawa ng mga taga CPA dahil wala naman silang nakuhang approval mula sa Department of Budget and Management (DBM) bago sila magbiyak-biyak sa pera at magtatakbong ibulsa ito.

Para sa hindi pa nakaaalam, ang RA 6686 at RA8441 ay ang mga batas na nagbibigay pahintulot para sa pagbibigay ng mga tradisyunal na bonus at cash gift sa mga kawani ng pamahalaan.

Pero dahil nasilip nga ng COA na wala namang pahintulot mula sa DBM ang pagpapalabas ng pera para sa mga manggagawa sa pier ng Cebu ay sinabi nito na iligal ang ginawa nila.

Ang siste, ikinatwiran naman ng mga nasa CPA na ligal ang kanilang ginawa sapagkat sinunod lang nila ang utos ng Branch 5 ng Cebu City Regional Trial Court (RTC)  na nag-atas sa kanilang tanggapan para ibigay ang mga bonus na nakalaan para sa kanila.

Mukhang may problema tayo rito lalo na at malapit na ang Kapaskuhan, di ba Pareng Jess Bautista? He-he!

Kung may utos ang korte na ibigay ang bonus ng mga empleyado, eh, bakit nakikialam pa ang ahensiya nina Ma. Gracia Pulido-Tan at Heidi Mendoza?

Ibig bang sabihin ng COA ay mas mahusay sila sa mga hukom natin na base sa Konstitusyon ay siyang inatasan upang mag-in-terpret at humatol sa mga isyung ligal?

Bagama’t maganda ang intensyon ng COA, sa tingin ko ay tila nag over the bakod naman yata sila sa hakbang nilang ito.

Gaya ng sinabi ko na, importante na malina-wan ang isyu na ito lalo pa at malapit na ang bigayan ng mga bonus at cash gift kaugnay na rin ng nalalapit na Kapaskuhan.

May mga sitwasyon kasi na dala na rin ng kakulangan ng oras at kabagalan ng DBM na magbigay ng pahintulot para mailabas ang pondo ay kailangang umaksyon ang mga  opisyal ng isang ahensiya.

Ginagawa nila ang ganito, para naman maging masaya ang Pasko ng kanilang mga empleyado at mga mahal nila sa buhay.

At sa sitwasyong ganito ay hindi naman dapat maging over-acting o kill joy ang mga taga COA.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply