Hospital arrest kay GMA inalmahan

UMALMA si Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada sa pagpapasailalim sa hospital arrest kay dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa mala-hotel na St. Lukes Medical Center sa Taguig City.

Ayon kay Estrada, kung binasbasan man ng Pasay City Regional Trial Court at Malakanyang ang hospital arrest kay dating Pangulong Arroyo, hindi ito dapat sa St. Luke’s i-admit kundi sa alinmang government hospital tulad ng Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City.

“Bakit sa St. Lukes eh ang daming government hospital tulad ng Veterans?” pagtatanong ng senador.

Matatandaan na ang senador at ang ama nitong si dating Pangulong Joseph Estrada ay sa Veterans din ipinasok noong kinasuhan sila ng plunder noong administrasyong Arroyo.

Giit pa ng senador, kung gumaling na ang sakit ni Gng. Arroyo ay saka na ito ilipat sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna, isang training camp ng Special Action Force ng Philippine National Police (PNP), kung saan dun sila nakulong ng mag-ama noong nakaraang administrasyon.

“Sa tingin ko naman wala talagang sakit iyang si Gloria, umaarte lang iyan. Gusto pa yatang talunin si Lorna Tolentino,”patutsada ni Estrada.

Ngunit para kay Sen. Antonio Trillanes IV, nakulong sa loob ng pitong taon dahil sa Oakwood mutuny noong administrasyong Arroyo, hindi na mahalaga sa kanya kung saan ide-detain si Arroyo basta’t panagutin lamang ito sa ginawang pananabotahe niya sa eleksyon noong 2007.

“Hindi na issue sa akin kung saan siya idetain as long as panagutan nya yung mga kaso na hinarap sa kanya,” ani Trillanes. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply