Ilang panukala laban sa grabeng trapik sa MM

MULING bumalik ang katakot-takot na trapik sa Metro Manila.

Ito’y dahil sa pagbalik mula sa mga lalawigan ng napakaraming sasakyan kaugnay ng Undas.

At pagbalik na rin sa mga lansangan sa Metro Manila ang milyong estudyante na nakapagtapos na rin ng kanilang bakasyon con Undas.

Dahil sa grabeng trapik na talagang namang sobrang perhuwisyo sa lahat, kailangang makaisip ang mga kinauukulan ng paraan na mapagaan ito.

Tulad ng karanasan, hindi sapat ang naglipanang traffic enforcer at pulis na nagmamando sa daloy ng mga sasakyan.

Maraming beses pa ngang napatunayan na mismong ang mga traffic enforcer at pulis ang pinagmumulan ng mga katakot-takot na trapik dahil sa kanilang pangongotong nang ligal at iligal.

LINISIN ANG OBSTRUCTION

Napakaraming kalsada sa Metro Manila sa totoo lang.

Pero napakarami ang sarado dahil binabakuran ang mga ito at itinuturing na subdibisyon kahit na hindi dapat.

‘Yung iba naman ay ginagawang basketbolan o imbakan ng mga koleksyong basura ng mga junkshop.

Sa panahon ni ex MMDA Chairman Bayani Fernando, nagkaroon ng mga linis bangketa.

Kasama na rito ang pagtanggal sa mga istruktura na iligal na itinayo sa mga bangketa.

Kung gagawin ang ginawa ni Bayani, malaki ang iluluwag ng mga kalsada.

MAGPAGAWA NG MGA TULAY

Magastos ang proyektong ito, mga Bro.

Pero napakarami ang mga kalsadang ang dead end ay mga ilog.

Ito dapat ang silipin ng mga kinauukulan.

Maraming sasakyan ang napipilitang magsama-sama sa kanilang pagtawid sa mga ilog dahil sa iilang tulay na tawiran mula sa isang lugar patungo sa iba.

Ang Pasig River, Tullahan River at iba pang mga ilog ay dapat na lagyan ng mga tulay.

DISIPLINA NG MGA PASAHERO

Ang isa sa mga problema sa trapik ay nauugat din sa kawalan ng disiplina ng mga pasahero mismo.

Ewan ko kung bakit hindi makapag-antay ng sasakyan sa mga tamang babaan at sakayan ang mga pasahero.

‘Yang unahan at balyahan hanggang sa okupahan na nila ang gitna ng mga kalsada ay lagi na lang nagaganap.

Paano kaya ipapako sa utak ng mamamayan ang disiplina sa pagsakay at pagbaba sa mga tamang lugar?

Makatutulong ba rito ang mga paaralan at ang mga bata ang kauna-unahang bigyan ng leksyon ukol sa kasamaan ng grabeng trapik?

Paano ang mga nasa edad na talaga namang walang disiplina?

Istriktuhan kaya ng jaywalking at isama rito ang pagsakop ng mga pasahero sa mga gitna ng kalsada?

DISIPLINA RIN NG MGA DRIVER

Kung gaano kawala ang disiplina sa parte ng mamamayan, ganito rin sa parte ng mga driver ng mga pampasaherong sasakyan.

Kung saan-saan pumapara ang mga ito, kahit sa gitna ng kalsada.

‘Yang ugali ng mga ito na magkakatabi sa pag-aantay ng mga pasahero hanggang sa masarhan na ang kalsada ay dapat na madurog.

KOTONG COPS AT ENFORCER

Dapat na bantayan nang todo ang mga kotong cop at kotong enforcer.

Wala na ngang disiplina ang mga pasahero at sasakyan, pinalalala pa ang sitwasyon ng mga tarantadong kotong cop at kotong enforcer.

‘Yang mangomisyon, mga Bro, ang malaking tukso ng mga kotongerong ito.

Kung hindi sila magkakapera sa iligal, sa ligal sila gustong magkapera.

UZI TEXT

Text ng mga UZIserong buwisit na sa sistema.

FANS NI HITLER

Ang daming fans ni Hitler sa Pilipinas. Ang gusto patayan, kanyunan, bombahan, pagpasabog at pananakit ng kapwa…Bakit? Wala ng naniwala sa atin. Pambobola, pera pera na lang ba? Lokohan din ang election? Pansariling interest higit sa lahat ang namamayani.

Nakalimutan ang kahirapan na ugat ng lahat. Dapat ang lakas, talento at panahon ay dito nakapokus. Ito ang tunay na kalaban…hindi Muslim, hindi rin milf. Mark my word. Til the end. Boy Quimbo ng Cainta. +63929724

TANOD NA LANG, HINDI PULIS

Sir Benny, mabuti pa siguro na barangay tanod na lang ang bigyan ng service firearms kaysa mga pulis. Wala naman silang silbi o inutil. Kaya patuloy pa ang patayan sa kawawang mamamayan. Kung hindi hold-up ay  hulidap; kung hindi hulidap,  lagay. Ayaw kong mangyari sa akin ang mga ito, Gusto ko pang mabuhay ng 100 taon. +63916104

SA LAGAY NG MABILIS

Sir Benny, paanong hindi patuloy ang pananalasa ng riding in tamdem na yan, eh,  hindi alerto ang mga pulis? Tamad sila pero kung lagay ang pag-uusapan mabilis pa sila sa kidlat. +63916104

KONTRA RIDING IN TANDEM

Gandang umaga po. Ginong Benny. Sang-ayon po ako sa nag-text sa inyo na ipagbawal na ang may angkas sa motor. Hindi po ba problema lagi ang riding in tandem?  Kung wala na pong angkas, maaaring tapos na ang problema tungkol dito. Thanks po. +63921770

P5M PARA SANA SA MAGSASAKA

Yung halagang P5 million ay malaking tulong sa magsasaka. Bakit sa mga rebelde ibinigay?
Pumapatay ang mga ito ng sundalo at inosenteng mga tao. SUPORTADO ba ni PNoy ang MILF-13. (TRAYDOR  AT HUDAS). +63909498

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply