Impeachment ni Lozano ibinalik ng Kamara

DAHIL walang nag-endorsong kongresista, ibinalik ng Kamara kay Atty. Oliver Lozano ang inihaing unang impeachment complaint laban kay Pangulong Benigno Aquino III.

Ang nabanggit na complaint ay inihain ni Lozano sa pamamagitan ng “registered mail” na naka-address kay House Secretary-General Marilyn Barua-Yap noong Oktubre 19, 2011.

Batay sa dalawang pahinang liham ni Barua-Yap kay Lozano na may petsang Nobyembre 8, sinabi nitong hindi nakasunod ang naturang reklamo sa requirement para maisulong ang impeachment laban sa pangulo.

Ayon kay Yap, walang nag-endorsong kongresista sa inihain nitong impeachment na ipinadala sa Kongreso sa pamamagitan ng registered mail.

Sinabi pa ni Yap na isa sa pangunahing constitutional requisite sa House Rules of Procedures in Impeachment proceedings ang endorsement ng kahit isang miyembro ng Kongreso.

Dahil sa wala ngang nag-endorsong kongresista, kailangang ibalik ang naturang reklamo kay Lozano na siyang legal counsel at spokesman ng Guardian Forces Brotherhood against crime international inc.

Ang reklamo ay kaugnay sa ginawang paglabag o betrayal of public trust ng pangulo sa naging desisyon nitong huwag payagang maihimlay sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa inihaing reklamo ni Lozano, may karapatan si Marcos na malibing na may military honors bilang isang war veteran.

Isa namang supplemental impeachment complaint ang ipinadala rin ni Lozano, sa pamamagitan uli ng registered mail sa Kamara, na nag-ugat naman sa ginawang travel ban kay dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo.

Sa naturang supplemental complaint, sinabi ni Lozano na nilabag ni Aquino ang ilang probisyon sa Konstitusyon na nagbibigay ng patas na proteksyon sa batas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply