Isang pagkakataon, bagong simula

HINDI lahat ng makabagong bayani ay pinapalad at nagtatagumpay.

Hindi lamang iisa, hindi lamang dadalawa, kundi maraming beses na nating napatunayan at namalas kung paanong hirap, pagsubok at pagtitiis ang gi-nagawa ng ating mga kababayang OFW upang buhayin ang kani-kanilang mga pamilyang naiwan dito sa Pilipinas.

Saksi tayo sa sinapit ni Flor Contemplacion, na isa sa mga patunay kung gaano kahirap at kadelikado ang sinusuong ng ating mga OFW para lamang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga minamahal na kaanak.

Sa aking panayam kay Gina Bernardin, isang DH sa Singapore ay nagkaroon ako ng isang sulyap sa buhay ng ating mga kababayang DH at nabigyang paliwanag ang mga katanungang naglalaro sa aking isipan kung bakit sila nakikipagsapalaran sa ibang bayan, kagaya ng Singapore.

Alam nating lahat kung gaano kahigpit ang mga batas na ipinatutupad sa Singapore at kung gaano kalaki ang pagkakaiba ng kanilang kultura sa ating nakagisnan dito sa Pilipinas, subalit hindi lamang iyon ang hirap na tiniis at pinagdaanan ni Gina, nang siya ay magkaroon ng isang amo na hindi naging maganda ang pagtrato sa kanya.

Inakala ni Gina na isang suwerte ang kanyang natagpuan nang magkaroon siya ng pagkakataon na hanapin ang kanyang kapalaran sa Singapore.

“Yung buhay namin doon (Pilipinas), simple lang naman, kaya ako nagpunta dito kasi yung asawa ko nawalan ng trabaho, eh tatlo yung mga anak namin, kaya nag-usap kami na kung may pagkakataon na susuwertehin mag-aabroad ako, kaya nakapunta po ako dito,” aniya.

Ang inakalang suwerte, kalbaryo pala ang dala para sa kanya. Halos dalawang taon at tatlong buwan niyang tiniis ang malupit na trato ng kanyang amo sa pag-asang makakikita rin siya ng ibang oportunidad doon. (ITUTULOY)

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply