Jumper at kara-krus

BIGYAN naman natin ng pagkakataon ang ating mga reader na mailabas ang kanilang mga kaisipan.

JUMPER SA TAGUIG

Lantaran at garapalan ang paglalagay ng mga “jumper” ng kuryente sa mismong main line ng Meralco sa Kat St., Bgy. Bambang, Taguig na maaaring maglikha ng malaking sunog sa kanilang lugar, ayon sa sumbong ng texter natin na may cellphone number 09464102435.

Hindi malayong mangyari dahil madalas daw magkislapan at magputukan ang mga “jumper” na nakakonekta sa linya ng kuryente. Dismayado na raw silang mga residente na tapat na nagbabayad sa singil sa kuryente.

Sinubukan na raw nilang tumawag sa Meralco office sa Pasig City ngunit mahirap naman daw kontakin ang opisinang ito. Nais ng texter na aksyunan agad ng Meralco ang problemang ito sa kanilang lugar. O, kayo riyan sa Meralco, panay ang hiling n’yo sa gobyerno na maitaas ang bayarin sa kuryente  ng mga konsyumer pero hindi n’yo naman mapigil ang malawakang paglalagay ng “jumper” ng iilan. Ang masama pa nito, sa lehitimong konsyumer n’yo rin ipinapasa ang bayarin sa mga ninanakaw na kuryente.

KARA-KRUS SA HOTEL SOFITEL

Gabi-gabi ay nagtutumpukan daw ang mga taxi driver diyan sa may waiting shed na katabi ng Hotel Sofitel sa Pasay City, ayon sa  may CP No. 09202731881.

Kaya naman daw palaging nandoon ang sangkaterbang taxi driver ay dahil abala ang mga ito sa pagsusugal ng kara-krus. Tumpak, mga katsokaran! Kung may sugalan sa loob ng Hotel Sofitel ay meron din namang kara-krusan itong mga katotong taxi driver sa waiting shed sa labas.

At huwag daw maliitin ang dibersiyong ito ng mga driver dahil malakasan daw ang pustahan nila dito – ubusan ng kita, ‘ika nga ng texter natin. Sa laki raw ng pustahan ay nagagawa ng pasimuno nito na maglagay ng “tong” sa mga sekyu ng hotel gayundin sa mga miyembro ng Pasay City police mobile unit at ilang pulis mula sa presintong nakasasakop sa nasabing lugar.

Paging Pasay City police chief Senior Supt. Melchor Reyes.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply