Kampo ni GMA di pa nagsusumite ng mosyon sa hiling na hospital arrest

HANGGANG ngayon ay hindi pa rin nakapagsusumite ng mosyon ang mga abogado ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo hinggil sa kahilingan ng kanilang kampo sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) na mailagay sa “hospital arrest” ang kanilang kliyente.

Ayon kay Atty. Joel Pelicano, clerk of court sa sala ni Pasay RTC Judge Jesus Mupas ng Branch 112, nararapat na nakabatay sa isusumiteng mosyon ng kampo ng dating Pangulo ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan na siyang pagbabatayan ng hukom kung nararapat na manatili si Ginang Arroyo sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City.

Kailangan aniya na nakasaad sa isusumiteng mosyon ng abogado ni Gng. Arroyo ang sertipikasyon ng kanyang mga doktor na maglalahad kung ano ang tunay na kondisyon ng kalusugan ng mambabatas.

Sinabi ni Pelicano na sa oras na mabigo ang mga abogado ni Gng. Arroyo na makapagsumite ng mosyon sa hihiling na hospital arrest hanggang sa Biyernes (Nobyembre 25), posibleng maglabas na ng commitment order si Judge Mupas na magtatakda kung saan dapat mapiit ang dating Pangulo na nahaharap sa kasong electoral sabotage.

Kaugnay nito, ay kinumpirma ni Judge Mupas na pinagkalooban siya ng dagdag na seguridad ng Department of the  Interior and Local Government (DILG) sanhi na rin ng maselang kasong kanyang hinahawakan.

Mula aniya nang hawakan niya ang kasong isinampa laban kay Gng. Arroyo, kasama sina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr., at Maguindanao Election Supervisor Atty. Lintang Bedol ay limitado na ang kanyang galaw at mga lugar na pinupuntahan.

Kahit aniya saan siya magtungo ay may kabuntot na siyang mga bodyguard.

Sa kabila nito’y tiniyak ng hukom na magiging patas ang kanyang paghawak sa naturang kaso at wala siyang kikilingan o bibigyan ng espesyal na pagtrato tulad ng mga ordinaryong kaso na kanyang hinawakan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply