Kaso ng leptospirosis sa Metro Manila tumaas– DOH

UMAABOT na sa 583 ang kaso ng leptospirosis na naitala ng Department of Health (DOH) sa Metro Manila ngayong taon at 48 sa mga ito ang kumpirmadong namatay.

Ito ay batay sa report ng Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) mula Enero 1 hanggang Nobyembre 12, 2011.

Nabatid na ang naturang bilang ay mas mataas ng 247 porsiyento kumpara sa 168 na may 13 namatay na naitala noong nakaraang taon sa kahalintulad na period.

Ayon sa DOH, karamihan sa mga nabibiktima ay mga lalaki na nasa age group na 15 hanggang 30 taong gulang.

Ang Quezon City (103) at Maynila (137) ang nangunguna sa listahan ng mga lungsod na nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng kaso ng naturang sakit.

Dahil dito, pinayuhan ni DOH Regional Director Eduardo Janairo ang publiko na lipulin ang mga daga sa kani-kanilang mga tahanan upang maiwasan ang pagkalat ng leptospirosis.

Ayon kay Janairo, upang makaiwas sa leptospirosis ay dapat na iwasang magkaroon ng kontak sa mga daga, alisin ang kanilang food source, mga tubig at mga bagay na maaari nilang pamahayan.

Mas makabubuti aniya kung tatakpan ang mga butas sa loob at labas ng mga tahanan upang hindi makapasok ang mga daga na pangunahing carrier o nagdadala ng leptospira virus.

Payo pa ni Janairo, gumamit ng traps, rodenticides at tracking powder upang maalis ang rodents sa mga tahanan, ngunit dapat aniyang hindi ito maaabot o makikita ng mga bata.

“Always endeavor to keep our home safe from diseases. Prevention is still the best solution,” aniya pa.

Babala ng DOH official, ang leptospirosis ay nakamamatay kung hindi maaagapan.

Nakukuha ang leptospirosis kung magkakaroon ang isang tao ng kontak sa tubig, pagkain o lupa na may ihi ng daga at iba pang hayop.

Madali ring makakuha ng naturang sakit kung may sugat at maglulunoy sa tubig baha na may ihi ng daga.

Maaari rin umanong magkasakit ng leptospirosis kung malalagyan ng tubig, na kontaminado ng ihi ng daga, sa mata at ilong.

Nabatid na ilan sa mga kumplikasyon ng sakit ay meningitis, extreme fatigue, hearing loss, respiratory distress, at minsan ay renal failure at liver failure.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply