Kaso ng typhoid fever sa Leyte tumataas

NAKAALARMA ngayon ang Department of Health (DOH) dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng typhoid fever sa Leyte kung saan apektado na ang apat na bayan.

Ayon kay Boyd Cerro, sentinel nurse ng Department of Health (DOH) Region-8, kabilang sa mga apektadong bayan sa nasabing sakit ay ang Carigara, Capoocan, Tunga at Barugo, Leyte.

Ang Carigara, Leyte ang may pinakamataas na kaso ng nasabing sakit dahil umaabot na sa 102 na residente ang tinamaan sa nasabing lugar.

Siksikan na rin umano ang pasyente ng naturamg sakit sa ilang ospital sa Carigara, Leyte na umabot na sa 42 pasyente habang ang iba naman ay dinala sa ospital sa Tacloban.

Ayon sa DOH, galing umano sa maduming tubig ang sanhi ng pagkakaroon ng typhoid fever ng mga residente sa nasabing apat na bayan ng probinsya.

Karamihan sa mga ito ay mga bata ang naapektuhan dahil na rin mahina ang kanilang resistensya.

Gayunman, wala pa namang naiuulat na namatay sa naturang sakit sa mga baying nabanggit.

Muli namang nagpaalala ang DOH ang mga residente sa lugar na panatilihing malinis ang kapaligiran at maging sa sarili upang makaiwas sa nasabing sakit.

Pinayuhan din ang mga ito na makabubuting pakuluan muna ang tubig bago ito gamitin o inumin.

Ang pagkakaroon ng lagnat na nagtatagal ng tatlong araw hanggang tatlong linggo, pagtatae, pananakit ng ulo at katawan ang ilan sa mga simtomas ng typhoid fever. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply