Katarungan pabilisin laban sa mamamatay-tao

NAPAKABILIS ang liderato ng gobyerno sa pagdakma at pagpapanagot sa mga kalaban nitong mga pulitiko.

Tingnan ninyo, walang motion-motion for reconsideration sa ginawa nitong resolusyon para sampahan ng Commission on Elections si Aling Gloria.

Matapos na mapirmahan ng limang komisyoner ang resolusyon, dinala ito sa Pasay City Regional Trial Court, pina-raffle at sa ilang oras lang, nakakuha na sila ng warrant of arrest laban kay Aling Gloria.

RTC BINANTAYAN NG DOJ-COMELEC

Nagbantay mismo ang ilang tauhan ng Department of Justice at Commission on Election sa korte upang mabilis na maibigay sa sheriff at arresting officers ang warrant of arrest.

Pagkakuha nila ng warrant, agad nila itong dinala sa mga warrant officer. Pagsapit ng dilim, andun na ang arresting officers sa St. Lukes Hospital sa Taguig City at binasahan na si Aling Gloria ng electoral sabotage na may parusang habambuhay na pagkabilanggo.

KORTE SUPREMA PINOSASAN

Tingnan din ninyo ang ginawa ng mga kinauukulan laban sa Korte Suprema.

Hindi nila sinunod ang utos nina Chief Justice Renato Corona na nag-isyu ng Temporary Restraining Order laban sa Watchlist Order ng DOJ.

Kahit may TRO, iniutos ng Palasyo sa lahat ng mga tauhan nito sa lahat ng mga paliparan ng eroplano na huwag palabasin sina Aling Gloria kahit may TRO na nagpapahintulot sa mga ito na bumiyahe sa labas ng bansa.

Hindi lang sina Aling Gloria ang pinosasan kundi maging ang Korte Suprema.

KUNG GUSTO MAY PARAAN

Mula sa mga pangyayaring ito, malinaw na nakikita na kung gusto talaga ng pamahalaan ang kumilos ng mabilis, nagagawa nila ito.

Nagagawa dahil lahat ng kapangyarihan nito ay ginagamit hanggang sa mawalan ng ngipin at pangil maging ang Korte Suprema.

Kahit na nalagay sa alanganin ang buong bansa dahil dito.

MABAGAL PA SA PAGONG

Mabagal pa sa pagong ang takbo ng katarungan.

Tingnan ninyo. Kakaunting bilang pa lang sa mga nadarakip na suspek o akusado ang nababasahan ng demanda. Isa sa mga principal suspect ang hindi pa nababasahan, si Zaldy Ampatuan.

Heto pa. Hanggang sa mga oras na ito, mahigit 100 pa sa 200 suspek ang hindi pa nahuhuli o nakikilala.

Kung ire-review natin ang kaso ng iba, limang taon ang katamtamang buhay ng kaso sa regional trial court lamang.

Pero paano kung aabot ang kaso sa katulad ng mga dinedesisyunan ng Sandiganbayan gaya ng Geronimo Velasco case na inabot ng 24 taon sa Sandiganbayan lamang?

Tapos naaabsuwelto pa.

Batay rito, ano ang aasahan natin na bilis o bagal ng katarungan sa Maguindanao massacre?

MASAKER ITULAD SA KASONG GMA

Hindi tayo nawawalan ng pag-asa na mapabibilis ang takbo ng katarungan.

Kahit na hindi daraan sa  katulad ng pinaggagawa sa kaso ni Aling Gloria.

Sabi nga ni Secretary Sonny Coloma na naging pangunahing panauhin sa pagbabasbas sa bantayog ng mediamen na nagbuwis ng buhay sa ground ng National Press Club, sa pitong pinatay na mediamen sa panahon ni PNoy, dadalawa lamang rito ang hindi pa ganap na nalulutas.

May nahuli at may mga natukoy na mga killer ng mga mediamen simula nang umupo si PNoy bilang Pangulo.

MABILIS NA SIGURADO

Para sa atin, hindi pupuwede ang dahan-dahan sa pagresolba sa Maguindanao massacre.

Sa katunayan, kinikilala ang karapatan ng mga biktima, maging ang mga akusado, para sa ”speedy trial.”

Kung may pagkakataon na pabilisin ang kaso, dapat na gawin ito. Ibig sabihin, dapat na maging alerto ang lahat ng mga abogado ng mga biktima sa lahat ng panghaharang tungo sa conviction ng mga akusado.

Para sa mga biktima na mediamen na pawang mahihirap na pamilya ang kinapapalooban, bawat araw na lumipas na walang natatanaw na katarungan ay pagkakait sa kanila nito.

Kaya naman, tungkulin ng pamahalaan na bigyan sila ng sapat na alalay hanggang sa mga huling oras.

ALALAY SA MGA SAKSI

Isang mahalagang bagay ang pag-alalay nang lubos sa mga saksi.

Kung pababayaan sila ng pamahalaan, baka hindi maganda ang aabutin ng kaso.

Magiging mabilis man, baka wala ring kahahantungan. Alalahanin, marami ang dumarating sa atin na ulat na inaalok ang mga ito ng mga malalaking halaga para sila tumahimik o bumaligtad.

Ganito rin ang ginagawa mismo sa mga biktima na maaaring matukso sa huli na makipagkompromiso at ilaglag ang mga kaso.

Ang tanong ay: ano-ano na ang ginagawa ng mga kinauukulan para proteksyunan ang mga saksi at ang mga biktima?

Yun bang === laban sa gutom at laban sa suhol para hindi sila lumimot o tumalikod sa laban sa katarungan?

MEDIA GROUPS MAGTULUNGAN

Paalaala rin sa hanay ng mediamen, kalimutan natin ang mga hindi pagkakaunawaan. Ituon natin ang ating pansin sa pagtutulungan, sa pagkupkop sa isa’t isa sa buhay at kamatayan.

Kung magagawa natin ito, saan man tayo hahantong, kahit papaano ay makaramdam tayo ng katatagan sa ating propesyon bilang mga mamamahayag.

At katatagan na rin sa personal nating buhay na humarap sa katulad ng Maguindanao massacre na maaaring maulit pa.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply