Kinanselang mga bus nagbalikan sa lansangan

MATAPOS makapaghain ng apela ang kompanya ng mga pampasaherong bus na pinatawan ng suspensiyon at kanselasyon ng prangkisa sa tanggapan ni Secretary Mar Roxas ng Department of Transportation and Communication (DOTC), muling nagsibalikan ang mga ito sa lansangan.

Dahil dito, pansamantala munang itinigil ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panghuhuli sa mga pampasaherong bus partikular ang mga nakapagpapakita ng kanilang dokumento na magpapatunay na nakaapela ang kanilang kanselasyon.

Ayon kay Dante Yambao, MMDA group leader ng traffic constable sa Commonwealth Avenue, lahat ng mga tsuper ng pampasaherong bus na may bitbit na dokumentong magpapatunay na may apela ang kanilang kanselasyon ay hindi na nila hinuhuli at ini-impound.

Sa kabila nito, tiniyak ni Yambao na masigasig pa rin ang kanyang mga tauhan sa pagsita at pag-iisyu ng traffic violation receipt sa mga pasaway na tsuper ng pampublikong sasakyan na hindi lamang lumalabag sa speed limit kundi bumabalagbag pa sa lansangan para makipag-unahan sa pagkuha ng pasahero.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply