Kontra paputok campaign inilunsad na ng DOH

NAIS ng Department of Health (DOH) na matiyak na mababawasan hindi man tuluyang mapigilan ang pagdami ng bilang ng mga taong nabibiktima ng paputok sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon ngayong taon.

Kaugnay nito, inilunsad na ngayon ng DOH ang kanilang firework-injury reduction campaign na tinawag na “Aksyon: Paputok Injury Reduction” o APIR (Give me five).

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, maaga nilang inilunsad ang naturang kampanya kontra paputok upang makatiyak na mababawasan ang mga taong mabibiktima nito ngayong nalalapit na ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

“Our strategy is to be positive. The image we will focus on is the complete set of fingers and this represents our five reminders to prevent injury and five suggestions to keep safe while celebrating the holidays,” anang Kalihim.

Kabilang umano sa limang reminders ng DOH upang makaiwas sa disgrasya ay ang mga sumusunod:
1). Mapanganib ang paggamit ng paputok
2). Lahat ng paputok ay bawal sa bata
3). Umiwas sa mga taong nagpapaputok
4). Huwag mamulot ng mga di sumabog na paputok
5). Magpagamot kaagad kapag naputukan

Iginiit rin ni Ona na ang holiday celebration ay maaari namang maging kumpleto at stress-free kung susundin lamang ang limang simpleng tips na kinabibilangan ng:
1). Itaguyod at makilahok sa Community Fireworks Display
2). Magdiwang nang ligtas kasama ang pamilya
3). Lumikha ng ingay na gamit ang ibang bagay tulad ng torotot, busina, lata at iba pa
4). Makisaya sa ibang paraan tulad ng street party, concert, palaro at iba pa
5). Magmuni-muni ng mga aral ng taong nakaraan at pag-isipan ang mga hakbanging tungo sa mas masaganang 2012

Partikular na pinayuhan ni Ona ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at tiyaking hindi gagamit ang mga anak ng paputok.

Paalala ng DOH, karamihan ng mga fireworks-related injuries ay mula sa 1-10 age group lamang, na umaabot sa 330 kaso o 34 porsiyento ng lahat ng naitalang injuries.

Karaniwan namang dumarami ang naitatalang kaso ng mga nasusugatan sa paputok pagsapit ng Disyembre 31 hanggang Enero 1, at ang pinakamaraming uri ng paputok na nakabiktima ay ang piccolo, kwitis, five star, pla-pla, at maging luces.

Mula Disyembre 21, 2010 hanggang Enero 5, 2011, umaabot sa 1,022 ang total ng mga nasugatan na naitala ng DOH, at 972 dito ay fireworks-related, 39 ang mula sa stray bullet habang 11 ay mula fireworks ingestion.

Karamihan sa mga nabiktima ay mula sa National Capital Region (581), Ilocos Region (73), Central Luzon (66), CALABARZON (66), at Western Visayas (65).

“We at the DOH recognize the need for implementing a new strategy for the reduction of fireworks-related injuries as the number of cases between 2009 and 2010 decreased by a mere 1.4%,” ani Ona. “We are aiming for much better results in 2011.”

Hinimok rin naman ng Kalihim ang lahat ng mamamayan na makilahok na lamang sa paglikha ng “Community Fireworks Displays” kung saan magkakaroon ng fireworks display sa mga piling lugar para sa ligtas at responsableng paggamit ng paputok sa bawat komunidad.

Maaari umanong gawin ang fireworks display sa ideyal na lokasyon na may maayos na buffer zones upng maiwasan ang pagkasugat ng mga manonood, fire hazards at iba pang aksidente.

Naniniwala si Ona na higit na magiging masaya at exciting ang pagdiriwang ng Holiday season kung ligtas ang mga mamamayan at walang masasaktan ng dahil lamang sa paputok.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply