Korte Suprema at pakete sa kabuhayan

HINDI maganda sa ngayon ang nagaganap na mga pangyayari: iringan ng Palasyo at Korte Suprema; lumalalang problema sa kaayusan at katiwasayan; patuloy na kahirapan sa kanayunan ng ating lahi; at ang 72-billion peso stimulus economic package ni PNoy ay tiyak na hindi mararamdaman at magaganap sa loob ng taong ito.

Sa kasaysayan ng ating bansa, ngayon lamang nagkaroon ng patutsadahan ang dalawang independent bodies – ang ehekutibo at hudikatura.

Nagsimula ito nang hindi manumpa ang Pangulong Benigno S. Aguino kay Chief Justice Renato Corona at sa halip ay kay retired associate justice Conchita Carpio ng Supreme Court na itinalagang Ombudsman ni Pnoy.

Marahil ay nabuwisit at napuno na si Chief Justice Corona, kaya, nang siya’y maging tagapagsalita sa National Convention ng Philippine Judges Association, sinabi ni Corona: “Never before has the entire Judiciary, not even during Martial Law, been subjected to lack of respect. I say to them here and now: enough is enough. I mince no words and I speak of nothing else but insidious attempts to undermine, destroying even the independence of the Judiciary, for us to beg for funds guaranteed by the Constitution.”

Binawasan kasi ng DBM – Department of Budget and Management ang annual appropriations ng Judiciary mula P20 billion ay ginawa lamang na P15 billion para sa taong 2012.

Matindi at matalim ang pangungusap na binitiwan ni Chief Justice Corona. Ito ay tumimo at umantig sa naguguluhang isipan ng bayan dahil sa pabagu-bagong desisyon ng Korte Suprema: mga bayang ginawang lungsod at pagkatapos ay ibinalik bilang mga bayan; at pinakahuli ang kaso ng Philippine Airlines stewardess na pagkatapos magpalabas ng final decision pabor sa mga empleyado ay biglang nabaligtad at naging pabor sa pamunuan ng PAL.

Ang Korte Suprema at mga Mahistrado nito ay tao rin na katulad natin – hindi perpekto at maaaring mag-kamali. Pero, NAG-IISA lang ang Supreme Court of the Philippines.

Ito ang tinaguriang court of last resort. Eh, ano ngayon kung magbago ang kanilang desisyon?

Kesa naman sa maghari ang rebolusyon sa lansangan, ilagay ang batas sa kamay ng mga pusakal na kriminal at tuluyan nang malibing ang simulain ng demokrasya sa ating bansa.

Hindi ganito ang dapat mangyari – relax lang at hindi pa naman katapusan ng mundo.

Sa katapusan ng taong ito ay mahirap nang matuloy at maubos ang 72-billion peso stimulus economic package ni Pnoy.

Oktubre na ngayon at sunod-sunod ang mahabang bakasyon at walang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno. Sa bidding process pa lamang, submission ng mga dokumento, publications, at mga pagdinig sa malalaking infrastructure projects ay matatapos na ang taon – ilang tulog na lamang ay Pasko na at isang bagong taon na ang bubulaga sa pintuan at bintana ng ating kamalayan.

Magulo at hindi pa nagkakasundo ang mga ahensiya ng gobyerno ukol sa tama at wastong alokasyon ng pondo.

Nakaluhod at luhaan ang sector ng agrikultura.  Sa halip na 25 bilyong piso ang ibigay para maging maayos ang sistema sa irigasyon at umani nang malaki ang mga magsasaka sa kabukiran ng  paghihirap, P1.62 billion lamang ang inilaan sa DA – Department of Agriculture.

Hintayin ang susunod na kabanata ng mga bagong desisyon ng Korte Suprema at ipagdasal ang tagumpay ng stimulus economic package ng administrayon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply